November 21, 2024

PAALAM AT SALAMAT, KUYA JOE DALDE

Martes ng umaga, Mayo 4, nagulat ako sa aking mensaheng natanggap mula sa isang dating kasamahan. “Pare patay na raw si “Joe Dalde.”

Napatayo ako sa aking pagkakahiga. Tinawagan ko ang ilan sa malalapit na kaibigan kasama na rin ang kanyang pamilya. Kumpirmado. Nagpaalam na ang isa sa aking matalik na kaibigan at itinuturing kong pangalawang ama sa larangan ng pamamahayag.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na wala na si Kuya Joe Dalde dahil parang kailan lang ay nag-uusap pa kami sa messenger para kamustahin ang mga buhay at patay naming mga naging kasamahan. Hehehe…

Pero sino nga ba si Joe Dalde. Ano nga ba ang naging papel niya sa aking buhay?

Taong 2008, buwan nang Agosto ata ‘yun, nang makilala ko si Joe Dalde. Tahimik na nakaupo sa harap ng kanyang kompyuter habang nagtitipa para gumawa ng istorya. Unang araw ko noon sa Remate Libangan kung saan siya ang isa sa mga editor. Bilib na bilib talaga ako sa kanyang mga panulat sapagkat madadala ang iyong emosyon sa kanyang mga istorya. Kumbaga, beteranong-beterano pagdating sa paggawa ng mga istorya at nobela.

Masasabi nga natin, na mas magaling siyang sumulat sa aking yumaong ama na si Arnold Pajaron Sr, pero kung sa kalokohang istorya panis si Kuya Joe Dalde. Hehehe…

Ang aking ama at si Kuya Joe ay malapit na kaibigan at magkasama mula noong kasagsagan ng komiks hanggang pasukin na nila ang mundo ng pamamahayag na sa aking pagkakaalala ay naging magbiyenan pa. Hekhekhek…

Marami akong natutunan kay kuya Joe Dalde mula sa paggawa ng nobela hanggang sa mga kabalastugan.

Tumagal din ng isang taon nang magkasama kami sa Remate Libangan ni Kuya Joe hanggang sumuko na ang aming financier na isa sa mga Tulfo brothers.

Nagkahiwalay kami ni Kuya Joe, na sa aking pagkakaalam ay napunta sa Hataw – D’yaryo ng Bayan. Habang ako naman ay napunta sa pahayagang Toro kung saan kasama ng aming ama ang kasing tangkad ko na si Even Demata at si Mister POEE na si Kuya Jupiter Gonzales.

Nag-sideline rin sa amin noon si Kuya Joe kung saan isinulat niya ang tanyag na si “Bertong Barako” na isa sa tinangkilik noong sa pahayagang Toro.

Naging masaya ang aming grupo sa Toro hanggang dumating ang pagkakataon na nagkaroon ng sulutan blues.

Nag-ring ang pakarag-karag na cellphone ng aking ama at sinagot naman niya ito.

“Hello, Boss Benny, ano po ang atin at napatawag kayo?” wika ng aking ama sa kanyang kausap.

“Pumunta ka rito sa NPC at may pag-uusapan tayo,” saad naman ng naturang lalaki na nasa kabilang linya.

Simula noon ay nagkawatak-watak na ang aming grupo nang mamaalam na kami sa Toro.

Pansamantala ay nalipat kami sa Remate habang hinihintay na buksan ang pangakong ilalabas na diyaryo ni Benny na siyang hahawakan ng aking ama noong taong 2010.

Malas namang namatay ang aking ama matapos maaksidente sa Bulacan. Salamat kay Boss Benny dahil mula sa pangpaospital hanggang sa pagpapalibing ay sinagot niya lahat ng gastos. Pa-kiss! Hehehe…

Nasa Remate pa rin ako noon dahil pinangakuan ako ni Boss Benny na ako ang ipapapalit sa aking ama na hindi na natuloy. Hehehe…

Hanggang sa isang araw, pumunta sa aming bahay si Ardie Aviles alyas Boy Daliri, hahawakan daw naming muli ang diyaryong Toro na pagmamay-ari naman ni Congressman Jacinto Paras.

Doon, ay muli kong nakasama si Kuya Joe Dalde, Tata Rading at isa rin sa pinakamahusay at mabait na editor na si mam Susan Cambri.

Dito tinuruan din ako ni Kuya Joe Dalde kung papaano magsalsal ng balita. Kay papa Arnold kasi wala kong natutunan kundi pagkakaperahan. Hehehe…

Ang opisina namin noon ay sa third floor ng Victory Mall sa Caloocan. Peborit na araw naming ay tuwing araw ng sahod. Sama-sama kami ng editorial staff na kumakain at tumutoma sa isang Chinese resto sa first floor ng gusali. Ambag-ambag kami pero mas malaki ang gastos ni Kuya Joe para lang maging masaya ang tropa. Ganoon makisama si Kuya Joe.

Hayun na rin pala ang huling araw na makakatrabaho ko si Kuya Joe nang magsara ang Toro. Muli kaming nagkahiwalay. Hinawakan niya ang pahayagang “Kadyot” habang ako naman ay sa Agila ng Bayan. Nakakalungkot dahil sobrang bait at napaka-talentado talaga ng taong ito kaya maraming nanghihinayang sa kanyang pagyao.

Hanggang sa muli nating pagkikita, Kuya Joe Dalde. Tiyak masaya ang langit ngayon dahil magkakasama na kayo nina Papa at tata Rads. Paalam at salamat sa mga itinuro mo sa akin. Hinding-hindi ko malilimutan iyon.