November 24, 2024

SENATOR DELA ROSA NAGLABAS NG MESAHE PARA SA MGA MANGGAGAWA NITONG LABOR DAY


AKO ay taos-pusong nagpupugay sa manggagawang Pilipino at sa lahat ng manggagawa sa buong mundo sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Aking sinasaluduhan ang ating mga manggagawa dahil sa kanilang mahalaga at hindi matatawarang kontribusyon sa ating buhay at lipunan. Sa bawat patak ng kanilang pawis, naitataguyod ang pamilya; sa kanilang bawat sipag, nakakapag-aral ang mga anak; sa kanilang pagtitipid sa sarili, may sapat pagkain sa mesa; at sa kanilang bawat pagod, may natutupad na pangarap.

Talino at bisig ng manggagawang Pilipino ang lumilikha at nagtatayo ng mga kalsada, tulay, skyway, paliparan, daungan, matatayog na gusali, at modernong transportasyon para maging maginhawa ang ating pamumuhay sa araw-araw.

Ang mga manggagawang guro ang humuhubog sa kaisipan ng kabataan hindi lamang tungo sa magandang kinabukasan, kundi para lumaki silang mabubuting mamamayan.

Ang mga manggagawa sa larangan ng pananalapi at negosyo ang nag- iingat at nagpapalago ng kabuhayan sa bansa upang maipamahagi sa lahat sa pamamagitan ng iba’t-ibang uri ng kapakinabangan.

Ang mga manggagawang bukid ang tumutulong sa mga magsasaka para masigurong may pagkain sa hapag-kainan ang bawat pamilya.

Ngayong pandemya, mga manggagawang medikal ang nagsasakripisyo at lumalaban upang magligtas ng buhay kahit na ang buhay nila mismo ang nasa panganib.

Ang galing at husay ng ating mga OFW ay kinikilala sa buong mundo at nagbibigay ng karangalan sa lahing Pilipino bukod pa sa pinaghuhugutan ng

katatagan ng ekonomiya ang kanilang remittances habang naghahatid ng kaginhawaan sa kanilang pamilya.

Ang mga manggagawa sa pamahalaan na tulad natin ang nagsisikap na masigurong dumadaloy ang serbisyo ng gobyerno at natutugunan ang pangangailangan ng lahat.

Kaya’t sa pagdiriwang natin ngayon ng Labor Day, ating pasalamatan ang manggagawang Pilipino at kilalanin ang kanilang tungkulin hindi lamang bilang haligi ng tahanan, kundi bilang tagapagsulong ng progreso.

Dalangin ko ang inyong kalusugan at kaligtasan at makakaasa kayo na sisikapin kong maisulong ang inyong kagalingan sa abot ng aking makakaya dahil kaisa ninyo ako sa inyong mga adhikain. Mabuhay ang manggagawang Pilipino! Padayon!