November 24, 2024

BIYAHE MULA INDIA IPINAGBAWAL NG ‘PINAS

Ipinagbawal na ng Pilipinas ang pagpasok ng mga manlalakbay na galing sa bansang India dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng namamatay sa COVID-19 sa naturang bansa.



Inanunsiyo nitong Abril 27 ng Malakanyang na ang lahat ng mga biyahero mula India o ‘yaong may mga travel history sa India ay pagbabawalan makapasok sa Pilipinas sa loob ng dalawang linggo.

Epektibo ang travel ban simula Abril 29 hanggang Mayo 14.

“All travelers coming from India or those with travel history to India within the last fourteen (14) days preceding arrival shall be prohibited from entering the Philippines beginning 0001H of April 29, 2021, until May 14, 2021,” ani ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Samantala, papayagan pa rin makapasok ng bansa ang mga darating sa Pilipinas na galing India bago ang Abril 29 subalit kailangan nilang kumpletuhin ang 14-day quarantine period sa isang accredited quarantine facility,  anuman ang resulta ng COVID-19 swab test.

Inilabas ang desisyon ng gobyerno matapos ang pagpupulong ng Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases nitong Martes.

Nagpahayag naman si Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr sa pamamagitan ng kanyang Twitter account ng suporta sa nasabing travel ban upang mapanatiling ligtas ang mga Pilipino.

Mabilis ang naging pagkalat ng virus dahil sa natuklasang bagong variant na  B.1.617 na tumama sa daan-daan libong mamamayan sa India.