November 24, 2024

PULIS NAG-SUICIDE SA BANYO (Inakusahan ng rape at torture)

WINAKASAN ni Police staff sergeant Celso Colita ang kanyang buhay matapos magbaril sa sarili sa loob ng banyo ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEAU) sa Barangay Basak, Cebu City noong Lunes ng gabi, Abril 19.


Ito ang kinumpirma ni Central Visayas RPDEU chief Police Mahor Glenn Hife sa isang live-streamed interview ng HelpTV Cebu.

Ayon kay Hife nagawa pa niyang makausap si Colita bago barilin ng pulis ang sarili.

Sa isa pang panayam ngayong Martes ng umaga, sinabi ni Hife na walang foul play na naganap sa pagkamatay ng nasabing pulis.

Nangyari ito ilang oras pagkatapos mabaril at mapatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa kahabaan ng N. Bacalso Avenue sa Cebu City si Richie “Miles” Nepomuceno, ang biktimang nag-akusa kay Colita na gumahasa at nag-torture sa kanya.

“While I was conducting the interview, binanggit ko sa kanya ngayon kung alam na ba niya na Miles Nepomuceno was just ambushed kanina. Hindi na siya umimik,”  ayon kay Hife.

Kinausap din ni Hife si Colita kaugnay sa impormasyon na kanilang nakalap sa pagkakaugnay ng huli sa ilegal na aktibidades ng droga pero nagpaalam daw ang pulis kay Hife na magbabanyo lamang, na pinayagan naman ni Hife.

Ilang sandali pa, isang malakas na putok na baril ang umalingawngaw sa loob ng banyo ng RPDEU at nakita na lamang ni Hife na naliligo na sa sariling dugo si Colita.

“Nakaprone position na at may .45 caliber pistol na sa tabi niya,” ayon kay Hife.

Agad isinugod sa malapit na ospital si Colita subalit patay na ito nang dalhin.

Habang patuloy ang imbestigasyon, sinabi ng RPDEU chief na hindi raw nila alam kung saan nakuha ni Colita ang baril dahil dinisarmahan daw ito.

Posible aniya na mayroong personal na baril si Colita na kanyang ginamit sa pagpapakamatay.

Habang isinusulat ang balitang ito, 10 pang Cebu cops na kasama ni Colita ang iniimbestigahan matapos akusahang ng rape at nag-torture sa 2 babae.