December 23, 2024

KAHIT HINDI LAGDAAN NG PANGULO, ANTI-TERRORISM BILL, MAGIGING GANAP NA BATAS

Magandang araw mga Cabalen. Kumustang muli ang buhay natin?  Hiling ng inyong lingkod na sana’y lagi kayong nasa mabuting kalagayan.

Himayin natin at talakaying muli ang tungkol sa panukalang batas na ‘Anti-Terrorism Bill’, na ang nasa likod nito o awtor ay si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, na siya ring Senate Committee Chairman on National Defense and Security.

Ang siste ng senador kaya inilatag niya ang nasabing bill, na pumasa na sa pagdinig sa Upper at Lower House ng Kongreso— ay upang masawata at matigil ang aktibidades na may kinalaman sa terorismo. Aniya, dapat nang madaliin ito upang maprotektahan ang ating mga kababayan at ang seguridad ng bansa.

Isa pa aniya, walang pinipiling panahon ang mga taong radikal— na naghahasik ng katatakutan at karahasan.

Kung kaya, manhid ang senador sa panawagan ng iilang grupo at indibidwal na dapat ibasura ang Anti- Terror Act. Ang mga terorista raw kasi ay walang kinikilalang batas.

Kaugnay dito mga Cabalen, ipinagsaanggalang ng senador ang bill kontra sa mga kritiko; na wala aniyang nilalabag na karapatang pantao ang panukalang batas. Kaya, huwag aniyang magpapakalat ang mga ito ng kabulaanan upang mahadlangan. Anila, magmimistulang mauulit daw muli ang ‘Martial Law’.

Katunayan, sumangguni aniya sila ng kanyang kapanalig sa mga abogado at sa Inegrated Bar of the Philiipines, kung may butas o may lalabangin batas— lalo na sa usaping human rights. Gayun din sa International Humanitarian Law.

Isa sa alas ni Senador Lacson, Mga Cabalen, kahit hindi lagdaan ni Pangulong Duterte ang bill, magiging batas pa rin ito batay sa itinakdang panahon sangayon sa hinihingi ng batas. Naku po, yari ang mga kontra?

Teka… Teka Cabalen, bakit nga ba may ilang nagtataas ng kilay sa panukalang batas? Bakit kaya atungal ng atungal ang iba? ‘E maganda naman ang layunin.

Kesyo ang idinadahilan ay banta ito sa karapatang pantao dahil may maaaresto ng hindi muna dumaan sa masusing imbestigasyon. Kapag pinaghinalaan dawn a terorista, hayun, dampot!

Teka, mga nuknukan ban g engot ang kinauukulan para gawin ‘yan? Ano ang ginagawa ng intelligence at matitikas sa pagkilatis ng mga taong sangkot sa terorismo?

Kung sakaling may mahuli at mapatunayang hindi terorista, pwede namang pakawalan at bigyan ng danyos di po ba? Kasi, naisangkalan ang kanyang imahe at pagkatao!

Kung hindi ka terorista, bakit ka mangagamba? Bakit ka matatakot?

Hahayaan mo bang mabiktima ang mga mahal mo sa buhay ng ka-boom? Gaya ng nangyari sa Rizal Day Bombing noong Disyembre 30, 2000? Maulit ang nangyari sa Marawi?

Ang siste mga Cabalen, yung mga tutol, malamang nakikinabang o may pinoprotektahang interes yan? Di po ba? Lalo na yung ang kaisipan ay sa komunista. Mga tsong at tsang, dapat nasyonalismo ang pairalin sa kaisipan ng inyong mga anak at hgindi komunismo.

Sa ayaw at hindi man ng iilan, pasasaan ba’t maipapatupad ding batas ang Anti-Terrorism Bill. Para sa mga kontra, hindi n’yo panahon ngayon, kaya sori na lang po. Ganyan talaga ang buhay.

Kaya, huwag tayong rumekta sa ‘sweeping conclusion’ sa magdudulot ng negatibo ang panukalang batas.