Nahaharap sa kaso ang 11 pulis ng Cebu City matapos umanong nakawan ang isang 35-anyos na babae na kanilang inaresto dahil sa akusasyon ng pag-iingat ng hindi lisensiyadong baril.
Reklamong robbery, arbitrary detention, grave coercion at grave threats ang inihain laban sa 11 pulis sa Cebu Provincial Prosecutor’s Office noong Biyernes.
Maging ang kanilang team leader na si Staff Sergeant Celso Colita, ay kinasuhan din ng dalawang counts ng rape dahil sa umano’y pangmomolestiya sa babaeng biktima sa loob ng isang motel, ayon kay Brig. Gen. Ronnie Montejo, director ng Police Regional Office in Central Visayas (PRO-7).
Sinibak na sa puwesto ang nasabing 11 pulis habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
“I’m really disappointed with what my co-police officers were accused of. But I will not tolerate any wrongdoing. They have to face the accusations hurled against them,” ani ni Montejo.
“I appeal to all policemen, especially in Central Visayas, to serve as good examples to our community. We have to show the people what genuine service is,” dagdag pa niya.
Bukod kay Colita, kinilala ang mga kinasuhan na sina Police Chief Master Sergeant Eric Edgar Emia; Staff Sergeants Joseph Alcoseba and Michael Rhey Cabizares; Police Corporals Emmanuel Martinez, Rochelito Mabulay, Ejill Ferrolino, Carlo Irizari, Junel Pedroza, John Carl Aceron, at Georny Abrasado— ng Sawang Calero Police Station.
Hindi naman kasamang nakasuhan si Major Eduard Sanchez, hepe ng Sawang Calero Police Station, pero tinanggal ito sa puwesto dahil sa umano’y kabiguan nitong pangasiwaan ang kanyang mga tuhan. Pinalitan siya ni Major Erano Regidor.
Noong Marso, dakong alas-9:00 ng gabi, nang makatanggap ng ulat kaugnay sa ihahaing search warrant ng grupo ni Colita sa bahay ng naturang babae sa Barangay Tungkil, Minglanilla, Cebu dahil sa umano’y pag-iingat ng hindi lisensiyadong baril.
Ayon sa salaysay ng biktima sa imbestigador, walang bitbit na search warrant ang nasabing mga pulis at tinangay pa raw ng mga ito ang kanyang pag-aari, kasama na ang alahas.
Noong Marso 10, dinala sa Sawang Calero Police Station ang babae. Ang kanyang pagka-aresto ay hindi inilagay sa blotter.
Dakong alas-1:00 ng hapon ng araw ding iyon, isinama ng grupo ni Colita ang babae sa automated teller machine ng bangko at umano’y pinuwersang pinag-withdraw ng P170,000 mula sa kanyang account.
Bandang alas-2:45 ng hapon, dinala ni Colita ang babae sa isang motel sa Barangay Mambaling kung saan naganap ang panghahalay sa kanya.
Pinakawalan ang biktima bandang alas-5:00 noong Marso 11.
Dahil dito, agad ipinaalam ng babae ang insidente sa Integrity Monitoring and Enhancement Group (IMEG) Visayas Field Unit na siyang nagmo-monitor sa mga tiwaling pulis.
Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang IMEG, sa pangunguna ni Major Alejandro Batobalonos.
Noong Miyerkules, sinabi ni Batobalonos na nagtungo rin ang isa pang mag-asawa sa kanyang tanggapan para isumbong din ang katulad na insidente na kinasasangkutan ng mga pulis ng Sawang Calero Police Station.
Ayon sa mga nagrereklamo, tinorture daw sila ng nasabi ring mga pulis na sumalakay sa kanilang bahay noong nakaraang linggo.
“The victims said the policemen took their cellular phones without any basis,” ani ni Batobalonos, na hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalya kaugnay sa panibagong reklamo laban sa Sawang Calero police.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE