November 24, 2024

Magkapatid kulong sa baril at shabu sa Valenzuela

Arestado ang isang wanted person at kanyang kapatid na babae matapos makuhanan ng baril at higit P.5 milyon halaga ng shabu makaraang isilbi ng pulisya ang warrant of arrest kontra sa isa sa mga suspek sa Valenzuela city, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga naarestong suspek na si Jeremy Flores y Elefanio, 28, at Baby Elefanio, 25, kapwa ng 2637 Liko St. Brgy. 210, Zone 19, Tondo, Manila.

Sa imbestigasyon PSSg Carlos Irasquin Jr., dakong 8:30 ng gabi nang isilbi ng pinagsamang mga tauhan ng Manila Police District DID-Anticrime at Valenzuela Police SDEU ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Rosanna Fe Romero-Maglaya ng RTC Branch 88, Quezon City para sa kasong Frustrated Murder at Robbery with Homicide na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jeremy sa kahabaan ng Upper Tamaraw Hills, Brgy. Marulas, Valenzuela City.

Nakumpiska sa kanya ang isang itim na sling bag na naglalaman ng dalawang caliber 38 revolver at 12 piraso ng bala.

Gayunman, habang inaaresto ang suspek ay tinangkang pigilan ni Baby ang mga arresting officer kaya’t napilitan ang mga pulis na dakpin ang bebot dahil sa paglabag sa obstruction of justice.

Narekober sa kanya ang isang kulay brown LV sling bag na naglalaman ng pitong plastic sachets ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng nasa 82 gramo na may standard drug price na P557,600.00 ang halaga at assorted cards.
Kasong paglabag sa RA 10591 ang isinampa ng pulisya kontra kay Jeremy habang paglabag naman Obstruction of Justice at RA 9165 ang isinampa laban kay Baby sa Valenzuela City Prosecutors Office.