November 5, 2024

4 timbog sa buy-bust sa Valenzuela at Caloocan

ARESTADO sina Kaye Tagle at Jasper Gonzales sa isinagawang buy-bust operation ng miyembro ng Station Drug Enforcement Unit ng Valenzuela Police sa 75 Tamaraw Hills, Marulas, Valenzuela City. Narekober sa kanila ang buy-bust money na P1,500,  limang piraso ng plastic sachet na hinihinalang shabu at P300 at isang cellphone. RIC ROLDAN

Swak sa kulungan ang apat na hinihinalang drug personalities kabilang ang isang bebot matapos maaresto sa isinagawang magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Caloocan at Valenzuela cities, kahapon ng madaling araw.

Dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Magregalejo sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Fernando Ortega sa No. 75 Tamaraw Hills Marulas, Valenzuela City.

Kaagad inaresto ng mga operatiba si Jasper Gonzales, 33, at Kaye Tagle, 34, matapos umanong bentahan ng P1,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.

Nakuha sa mga suspek ang nasa 11 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P74,800.00 ang halaga, buy-bust money na binubuo ng isang P500 bill at isang P1,000 boodle money, P300 recoverd money at isang cellphone.

Sa Caloocan, nakatanggap ang mga operatiba ng NPD District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng impormasyon mula sa kanilang confidential informant na ang illegal na droga ay laganap umano sa G. De Jesus St. Brgy. 139, Bagong Barrio.

Nang makompirma ang ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PLTCOL Macario Loteyro at PMAJ Jerry Garces sa naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto kay Randy Paculdar, 42, driver, at Raymond Peralta, 39, bandang alas-10:30 ng gabi.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P68,000 ang halaga, buy bust money na binubuo ng isang P500 bill at 19 piraso ng P1,000 boodle/money at isang cellphone.