November 25, 2024

PARLADE PINASISIBAK BILANG ANTI-INSURGENCY SPOKESMAN (Appointment maaring ilegal – Lacson)

PINAGTIBAY ng Senado ngayong araw ang committee report na nagrerekomenda sa agarang pag-alis ni Lieutenant General Antonio Parlade Jr bilang spokesman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Inihain ang Committee Report 186 noong Pebrero 22 na naglalaman ng report kaugnay sa red-tagging sa mga kilalang celebrities, personalidad, institusyon at organisasyon.

Bukod dito, kinuwestiyon din ni Senator Panfilo Lacson ang appointment kay Parlade sa ginanap na pagdinig ng Commission on Appointment.

Binasa ni Lacson ang Article 16, Section 5, Paragraph 4 ng Philippine Constitution, na nagsasaad na: “No member of the armed forces in the active service shall, at any time, be appointed or designated in any capacity to a civilian position in the Government, including government-owned or controlled corporations or any of their subsidiaries.”

“NTF-ELCAC is a civilian entity,” dagdag pa ng senador. Ito rin ang naging kwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa isang pagdinig sa Senado noong Marso 4.

Matatandaan na si Parlade ay mahilig magpalabas ng pulitikal at maanghang na pahayag – na kadalasan ay kulang sa ebidensiya – tulad sa kanyang personal na Facebook page.