November 24, 2024

PILIPINAS DUMISTANSIYA SA UNHRC RESOLUTION SA MYANMAR CRISIS

Nilinaw ng pamahalaan ng Pilipinas na hindi ito makikisali sa resolusyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na nananawagan para palayain ang lider ng Myanmar na si Aung San Suu Kyi.

Sa isang pahayag para sa Special Session of the Human Rights Council kaugnay ng human rights implications sa nararanasang krisis sa Myanmar, nakasaad dito na tulad ng mga bansang China, Russia, Venezuela, at Bolivia ay didistansya ang Pilipinas mula sa naturang resolusyon.

Bilang sovereign country sa mundong puno ng sovereign states, binigyang-diin ng Pilipinas ang primacy ng national internal efforts patungo sa democratic reforms, subalit sinusuportahan daw nito ang soberanya at territorial integrity ng Myanmar.

Magugunita na umapela ang UNHRC sa mga militar ng Myanmar na palayain si Suu Kyi, na inaresto kasama ang iba pang matataas na lider ng bansa. Nanawagan din ito na itigil ang paggamit ng dahas sa mga mamamayan na tumataliwas sa coup d’etat.

Nakasaad pa sa naturang pahayag na matagal nang sinusuportahan ng Pilipinas ang tinatamasang progreso ng Myanmar patungo sa demokrasya, gayundin ang naging papel ng militar sa pag-preserba ng territorial integrity at national security ng Myanmar.

Naging kritikal ang UNHRC sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas, partikular na ang war on drugs campaign ng Duterte administration.