November 24, 2024

Pedicab driver at 1 pa, arestado sa P272K shabu sa Valenzuela

SA kulungan ang bagsak ng dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos makuhanan ng halos P.3 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega ang mga naarestong suspek na si Christopher Sta. Maria, 44, pedicab driver at Jeffrey Adam Daluz, 35 ng 18A Santiago St. Parada.

Sa report ni Col. Ortega kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Nelson Bondoc, dakong 9 ng gabi nang masagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) team sa pangunguna ni SDEU chief PLT Robin Santos sa bahay ni Sta. Maria sa 11E Reyes Compd. Brgy. Karuhatan.

Kaagad sinunggaban nina PCpl Randy Canton at PCpl Franciz Cuaresma ang mga suspek matapos bentahan ng P4,000 halaga ng shabu si PCpl Dario Dehitta na nagpanggap na buyer.

Ayon kay SDEU investigator PSSg Ana Liza Antonio, nakumpiska sa mga suspek ang nasa 40 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P272,000.00 ang halaga, buy-bust money na binubuo ng 1pc P1,000 at 3 pcs 1,000 boodle money, P2,300 recovered money, 2 cellphones at isang motorsiklo.

Kaugnay nito, pinuri ni NPD Director Bondoc ang Valenzuela Police SDEU team sa pamumuno ni PLT Santos sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Ortega dahil sa matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.