November 24, 2024

Bebot arestado sa motornapping sa Navotas

Bagsak sa kulungan ang isang dalaga matapos i-reklamo ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Law) ang suspek na kinilalang si Karen Cruz, 23, bar employee at  residente ng No. 39-A Santiago St., Brgy. Sipac-Almacen.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pinayagan ng complainant na si Melvin Ramos, 32, financing officer ng No. 293 Anthurium St., Brgy. NBBS Proper si Alberto Del Rosario na gamitin ang kanyang kulay itim na Yamaha Mio Sporty.

Dakong alas-11 ng gabi, iniwan nakaparada ni Del Rosario ang naturang motorsiklo malapit sa kanyang bahay sa Santiago St. Brgy. Sipac-Almacin.

Makalipas ang isang oras, nakita ng saksing si Rodelio Perez, 59 ang suspek na tinangay ang naturang motorsiklo sa pamamagitan ng pagtulak patungong San Rafael St. subalit, nang mapansin siya nito ay iniwan ni Cruz ang motorsiklo.

Ipinalaam ng saksi ang insidente sa kalapit na barangay hall saka sa Sub-Station 3 upang matukoy kung sino ang may-ari ng motorsilo.

Nang makumpirma na tinangay nga ang naturang motorsiklo ay agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.