Mga Ka-Sampaguita, batid nating malaki ang ginagampanang papel ng mga guro sa ating lipunan. Na sila ay katuwang ng mga magulang sa paggabay, paghubog at pagtuturo sa mga kabataan nating mag-aaral.
Gaya nga ng ating kabatiran, nasa isang sitwasyon tayo na tila sakay tayo ng isang barko— na hahapay-hapay habang binabayo ng malalakas na alon. Dahil nga sa pandemya ng coronavirus, tila naging abnormal pansamantala ang ating pamumuhay.
Apektado ang lahat. Subalit, ang isa sa nakatatawag pansin na dapat alalayan at tulungan ang ating mga guro. Dahil sa perwisyong dulot ng Covid-19, malaki ang magiging epekto ng pagbabagong dulot ng bagong sistema ng pagtuturo ngayong school year.
Dahil ang bagong sistema ng pagtuturo ay hinati sa tatlong balangkas, ito ay ang online, modular at papasok ang mga mag-aaral, depende sa inilatag na sistema ng bawat paaralan.
Ang mga pagbabagong ito ay isang kongretong hakbang ng kinauukulan upang makaiwas ang ating mga mag-aaral sa banta ng coronavirus. Hangga’t hindi pa maayos ang lahat at hindi pa lubusang bumabalik sa normal, pikit-matang gayung ang magiging rutina ng ating guro’t mga mag-aaral.
Ang nakalulungkot, malaki ang epekto ng pagbabagong ito sa ating mga guro, dahil mangangapa sila sa bagong sistema ng pagtuturo— na hindi kaharap ng tuwiran ang kanilang estudyante. Kundi, magtuturo sila via online.
Ang tanong, kung matutuloy ang school year 2020-2021, magiging epektibo kaya ang protocol na ito ng DepEd? Garantisado bang matutututo talaga ang mga bata?
Makatutugon kaya ang ibang pampublikong paaralan na magkaroon ng ilang kagamitan na magagamit sa pagtuturo? Inaalalayan ba sila ng lokal na pamahalaan tungkol dito, gaya ng ginawa ng iba na namahagi ng mga computer units, LED TV, printer, scanner, laptop at iba pa. Nakatutuwa na nakatanggap ng bagong laptop ang mga guro na magagamit nila sa pagtuturo.
Bagama’t online muna ang pagtuturo, nakatitiyak tayong mahihirapan ang mga guro sa ganoong sistema. Bakit natin ito nasabi?
Una, masusunod ba ang iskedyul ng bawat mag-aaral, na kapag oras ng pagtuturo ay present sila?
Pangalawa, hindi ba magiging problema ang pupugak-pugak na bagal ng internet o buffering kapag oras ng klase? Papaano kung may graded and recitation? Di kaya ma-late ang tanong at sagot ng mga guro at estudyante?
Ikatlo, masususteyn kaya ng mga magulang ang laging naka-online kapag lesson hours na? Papaano kung magka-aberya? Papaano kung ang panload at promo para maka-online ‘e pinambili nila ng ulam dahil wala silang ulam? Papaano kung kinakapos?
Marami pa tayong nakikitang problema sa bagong sistema ng pagtuturo. Isa nga rito na maraming mga magulang ang hindi nila in-enrolled ang kanilang mga anak; una, dahil sa banta ng sakit na Covid-19 at wala aniya ang iba na pambili ng laptop o desktop.
Ayaw naman ng iba na modular ang siste ng pagtuturo. ‘E papaano raw sila makakapaghanapbuhay kung magtuturo sila sa kanilag mga anak?
Buweno, hindi natin tinalakay ito upang palalain ang sitwasyon. Kundi, maglatag suhestiyon at tulong. Palagay naman natin ‘e may ginagawang solusyon dyan ang kinauukulan.
Gayunman,may positibong dulot din ang bagong programa sa pagtuturo ng online.
Bukot kasi sa tipid sa pamasahe ang ating mga guro at mag-aaral, dahil nasa bahay lang sila, magkakaroon pa sila ng maraming oras sa pamilya. Subalit, may kaakibat na pagbabago ito. Sa isang banda, tila napakadali naman dahil online ang pagtuturo; ngunit mahirap ito kung tutuusin.
Para roon sa mga guro na talagang kinakailangang turuan ng mano-mano ang kanilang mag-aaral, dahil walang internet access ( na mas mahirap gawin); nararapat silang bigyan ng pansin ng kinauukulan. Lalo na yung sa mga lalawigan, kung saan maglalakbay pa sila ng ilang kilometro at oras makapagturo lamang. Gaya ng napanood ko sa balita.
Huwag sanang ipagwalang-bahala ito ng kinauukulan; ng mga nakasasakop na munisipalidad at lalawigan.
Dapat magbigay ng serbisyong pang-behikulo ang kinauuulan upang mahatid at sundo ang mga guro sa kanilang tinuturuan at tuturuan pa. Magkaroon ng dagdag insentibo at suweldo para ganahan pa silang lalong magturo.
Anoman ang makatutulong at makapagbibigay ginhawa sa ating mga guro, nararapat lamang gawin. Tandaan at alalahanin mo, na kung hindi dahil sa kanila, wala tayo ngayon sa ating kinalalagyan.
Bukod sa ating mga magulang, ang mga guro ay ginagamit na kasangkapan ng Diyos upang hubugin ka, dalisayin, turuan at magpanday ng karunungan— patungo sa direksiyon kung nasaan ka… siya… sila… na tayo ngayon.
Kaya, mahalin at pahalagaan natin ang ating mga guro. Adios Amorsekos.
More Stories
PAGPASA NG P3.5 BILYONG BUDGET NG MARIKINA, NAAYON BA?
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE