Pinangunahan ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang isinagawang meeting, kasama ang City Health Department at mga department head para sa implementasyon ng COVID-19 vaccination kung saan target na mabakunahan ang nasa 103,000 na edad 18 pataas sa 267,000 na kasalukuyang populasyon ng Navotas. (JUVY LUCERO)
Naghahanada na ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa implementasyon ng kanilang COVID-19 vaccination para sa mga residente nito.
Sa naganap na meeting na pinangunahan ni Mayor Toby Tiangco, kasama ang City Health Department at mga department head, nasa 267,000 ang kasalukuyang populasyon sa Navotas at nasa 103,000 ang edad 18 pataas na target mabakunahan.
“Hindi po sabay-sabay ang pagdating ng bakuna kaya kailangan meron po tayong priority list. Pinakauna ay ang ating mga public at private medical frontliners dahil sila po ang may pinakamataas na tsansa ng exposure sa COVID-19. Importante po na proteksyunan natin ang mga nag-aalaga sa atin”, ani Tiangco.
Ang mga nasa priority list ay mga frontline health workers, indigent senior citizens, iba pang senior citizens, indigent population, mga uniformed personnel, mga guro at school health workers, lahat ng government workers, Essential workers sa agrikultura, food industry, transportasyon at turismo, mga nakakulong, PWD, mga residenteng nakatira sa matataong lugar, Overseas Filipino Workers (OFWs), iba pang manggagawa, mga mag-aaral at iba pa.
Paalala ni Tiangco, mahalaga na magpalista sa COVID-19 vaccination program para maging handa sa pagdating ng bakuna ngunit, hindi aniya nangangahulugan na mababakunahan kaagad dahil susundin ang priority list sa pagbabakuna, ayon sa polisiya ng DOH.
Sinabi pa niya, kahit malayo sa priority, ang importante ay magpalista agad, dahil kung wala sa listahan, lalong wala tsansang masama sa mga mababakunahan.
Sa mga hindi pa nakapag-register, kumpletuhin lamang po ang form na ito: https://bit.ly/3qm2SYD. Sa mga walang gadget o internet connection, hintayin lamang ang anunsyo kung paano makakapag-register. “Inaasahan natin ang inyong suporta at kooperasyon para po matapos na ang pandemyang ito at maging ligtas tayong lahat”, pagwawakas ni Tiangco.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY