November 21, 2024

EMPLEYADO NG DPWH-13, NAGSOLI NG P360-K CASH

BUTUAN CITY – Umani ng papuri mula sa Department of Public Works and Highways sa Caraga (DPWH-13) ang isa sa mga tauhan nito na kamakailan lang ay nagsoli ng P360,000 sa may-ari nito.

Pinuri ni DPWH-13 Director Pol delos Santos ang “katapatan” ni Bernardo de la Cruz, survey aide ng naturang ahensiya.

Napulot ni De la Cruz ang isang itim na bag na puno ng pera na nakalagay sa isang gilid ng kalsada noong Enero 20, 2021 (Miyerkules) habang lulan ng kanyang bike patungong Langihan Market sa Butuan City, ayon kay delos Santos.

Nagulat si Dela Cruz nang bumulaga sa kanya ang bugkos ng pera nang buksan niya ang naturang bag.

Tinignan niya rin kung may identification sa loob ng bag upang makilala ang may-ari at nakita niya ang isang ID subalit walang contact details.

Noong Enero 21 (Huwebes), nagtungo si de la Cruz sa DPWH-13 office bitbit ang bag at inireport ito kay Atty. Joey D. Gingane, ang administrative division chief.

“Atty. Gingane acted immediately on the matter and exerted efforts to find the owner of the bag whom they identified in the ID as Jean A. Hinayon,” ayon kay delos Santos.

Sa kabutihang palad, natunton ang may-ari ng bag at nakilala bilang supervisor at cashier ng San Isidro Upland Farmers Multipurpose Cooperative (SIUFMULCO) sa bayan ng Santiago, Agusan del Norte.

Nakipagkita ang mga opisyales ng SIUMULCO, kasama si Hinayon, kina delos Santos at de la Cruz noong Biyernes sa DPWH-13 office para isoli ang bag.

Ayon kay Hinayon, nadiskubre niya na nawawala ang kanyang bag nang dumating siya sa water district at inakalang aksidente niya itong naiwan sa isang pampasaherong sasakyan.

Agad siyang nagtungo sa malapit na istasyon ng pulisya para isumbong ang nangyari.

“I am happy that he was not blinded by the money,” ayon kay delos  Santos.

Dagdag pa nito na dapat tularan ang katapan ni de la Cruz.

“Mr. Bernardo de la Cruz embodies the core values of the DPWH,” saad pa ni Delos Santos.