November 2, 2024

OLONGAPO COP SIBAK DAHIL SA VIRAL BUY-BUST OPERATION

OLONGAPO CITY – Sinibak sa puwesto ang police station commander ng siyudad na ito, ilang araw matapos ang kontrobersiyal na drug buy-bust operation na nahuli sa video at viral ngayon sa social media.

Ayon kay Brig. Gen. Valeriano De Leon, tinanggal na sa puwesto si Captain Walter Primero, officer-in-charge ng Police Station habang gumugulong ang imbestigasyon sa posibleng lapses ng operasyon ng local drug enforcement unit nito noong Enero 3.

“We are continuously gathering all information relevant to the said video to find out the truth and unearth the facts surrounding the incident as we do not condone any unlawful demeanor perpetrated by our members,” ayon kay De Leon.

Nakita sa video si Primero kasama ang kanyang dalawang tauhan na pilit isinasakay sa loob ng sasakyan ang drug suspect na kinilalang si Nesty Gongora habang sinusubukan ng mga kaanak na pigilan ang mga nakasibilyang pulis.

Ayon sa kaanak ni Gonggora, sinabihan daw sila ng mga pulis na hinuli raw nila ang suspek dahil sa hindi nito pagsusuot ng face mask. Hindi naman nakuha sa video ang sinasabing buy-bust operation.

Pero ayon sa pulisya, lehitimo raw ang anti-narcotics operation at nakuhaan umano ang suspek ng sachets ng “shabu.” Ayon kay De Leon, napag-alaman na nagpositibo rin sa paggamit ng droga si Gongora at mahaharap sa kaso dahil sa paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.

Dahil sa insidente, nagsampa na din ng kaso ang pulisya ng obstruction of justice, direct assault upon agents of persons in authority at paglabag sa quarantine protocols, laban sa kaanak ni Gongora.

Tiniyak naman ni De Leon na walang mangyayaring whitewash sa imbestigasyon.


 “I vow not to tolerate my personnel’s mistakes if the allegations are proven true, and we assure everyone that appropriate punishment will be meted as warranted by the evidence,” saad ni De Leon.