November 23, 2024

19-anyos nakipagbarilan sa pulis, sugatan

Sugatan ang isang 19-anyos na binata matapos makipagbarilan sa mga pulis makaraang makipaghabulan sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, isinugod si Daniel Manlapaz, 19 ng Phase 1 Package 4 Block 11 Lot 55 Brgy. 176 Bagong Silang sa Caloocan City Medical Center upang magamot ang tinamong tama ng bala sa kanang paa.

Sa isinagawang imbestigasyon ni P/Cpl. Karl Piggangay, nagsasagawa ang mga tauhan ng Police Sub-Station 11 ng “Oplan Galugad” dakong 1 ng madaling araw sa Robis 1, Brgy. 175, Camarin, nang tangkain nilang parahin si Manlapaz na nagmamaneho ng motorsiklo at walang suot na helmet.

Sa halip na huminto, pinaharurot ng supek ang minamanehong motorsiklo na naging dahilan upang habulin siya nina P/Ssgt. Romil Alegarbes at P/Ssgt Mark Anthony Motin.

Nang malapit nang makorner, naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan ang humahabol na mga pulis subalit, walang tinamaan.

Dahil sa panganib sa kanilang buhay, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis kung saan tinamaan sa paa ang suspek na naging dahilan upang mahulog ito sa motorsiklo at maaresto.

Narekober ng mga pulis sa suspek ang isang cal. 9mm pistol na may magazine at kargado ng walong bala.
Kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act kontra sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.