November 2, 2024

IMEE: KONSEPTONG “SPONGE CITIES” SUBUKAN LABAN SA BAHA

Hinimok ni Senador Imee Marcos ang gobyerno na subukan ang konseptong “sponge cities” para maibsan ang pinsala ng mga bagyong pinatitindi pa ng climate change.

Sa harap nito, inihain ni Marcos ang Senate Resolution 537 para makalikha ang bansa ng sariling bersyon ng konseptong ito habang iniimbestigahan ang sinasabing “man-made” disaster na dulot ng bagyong Ulysses.

“Target ng imbestigasyon ng senado na makabuo ng solusyon at hindi para manisi ng tao. Isantabi na yang mga ‘turuan’ o sisihan sa bawat isa at sa halip tukuyin kung ano ang dapat gawin o direksyon susundin ng ating bansa,” diin ni Marcos.

“Higit pa sa pagsasalba at pamamahagi ng mga relief goods, kailangan natin ng pangmatagalang plano ASAP para ibsan ang pananalanta ng mga bagyo,” ani Marcos.

“Marami tayong dapat gawin higit pa sa paghalukay sa mga ilog at lawa, na mag-iimbak lang ng tubig sa kalupaan. Ang mga ulan na dumadaloy mula bundok pababa sa mga kanayunan at lunsod ay kailangang masipsip o makahanap ng lulusutan nito papunta sa mga karagatan,” dagdag pa ni Marcos.

Ang pagbuo ng “sponge cities” ay isang storm water management strategy na naging tagumpay sa pagkontrol ng mga flash flood sa China at India.

Ang estratehiyang ito’y kabibilangan ng pinagsama-samang mga imprastraktura ng tubig, mula sa pinagbagsakan ng ulan patungo sa water treatment facilities, na layuning makontrol ang baha at makaipon din ng tubig para gawing tubig-inumin o gamitin ding tubig na panlinis.

Ang mga aspaltadong kalsada at sidewalk na gawa sa mga buhaghag o mga may maliliit na butas sa ibabaw ay dapat ding subukan sa mga lunsod para masipsip nito ang mga ulan o baha, dagdag pa ni Marcos.

“Ibinabalik nito ang natural na flood control, habang patuloy ang paglawak ng kongkretong at aspaltadong mga lugar dahil sa tinatawag na urbanisasyon,” paliwanag ni Marcos.

Ang sobrang buhos ng ulan ay padadaluyin patungong dagat sa pamamagitan ng isang buong sistema ng mga kanal, floodway at spillway para maiwasang bumigay at umapaw ang tubig sa mga tabing ilog at mga lawa. 

“Noong 70’s naaninag na natin ang simula ng isang sponge city master plan para sa Pilipinas. Pinaka-kritikal na bahagi ng flood control project noong panahon na yon ang Parañaque Spillway na layuning padaluyin ang tubig sa Laguna Lake patungo sa Manila Bay, pero naudlot noong 80’s at nanatiling isang pangarap hanggang ngayon,” ayon kay Marcos.

Binanggit naman ni Marcos na nauna nang nagbabala si architect at urban planner Felino Palafox Jr., senior planner ng proyekto, na ang “senaryong kawalan ng aksyon” ay magdudulot ng matinding sakuna.

“Paigtingin din natin ang unang depensa natin kontra sa mga bahang dulot ng bagyo sa pamamagitan ng seryosong reforestation sa mga nakakalbo nang mga watershed sa kabundukan at pag-upgrade ng mga lumang dam,” giit ni Marcos. Nagbabala din si Marcos na ang kawalan ng tubig kamakaylan dahil hindi kinaya ng Maynilad ang pag-proseso sa malabong tubig ay sinyales na ang bagsik ng bagyo ay hindi madaling matantya dahil sa climate change.