November 2, 2024

“CATASTROPHIC” EFFECT NG QUARRYING OPERATION SA UNSTABLE UPLAND AREAS, IBINABALA NG DENR

Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources laban sa patuloy na nag-o-operate ng minahan at quarry sa mga lugar na unstable sapagkat maari itong magdulot ng matinding pinsala sa mga mababang nayon at sa Cagayan Valley.

Sa isang panayam, sinabi ni DENR Undersecretary Jonas Leonel na tinitignan na nila ngayon ang alternative areas para sa legal quarry at mining operators sa Region 2, na apektado sa pagbaha.

“Gusto po muna natin iwasan dun sa mga area na unstable kasi ito po yung nagbibigay ng silt at sediments na kapag po nagkaroon ng quarry operations dun sa taas, talagang medyo magiging catastrophic po yung magiging epekto,”  saad niya sa Network Briefing News kasama ang host na si Presidential Communications Operation Office (PCOO) Secretary Martin Andanar.

 “Ang gusto lang po natin talaga ay yung dun sa mga river system, dun lang po sila pwedeng mag-quarry,” dagdag pa niya.

Umapela rin siya sa mga illegal miners at quarry operators na itigil na ang kanilang operasyon habang tiniyak na maglalaan ang pamahalaan ng alternatibong kabuhayan para sa kanila.

 “Kung ma-suspend man itong mga quarry operations, siguro pwede nating hilingin na bilisan yung assessment so that all illegal quarry operators will be suspended, but legitimate ones and legal operators will be allowed to undertake their quarry operations,” saad niya.

Maliban dito, inaprubahan na ng DENR ang dredging activity sa kahabaan ng Cagayan River upang matugunan ang malawakang pagbaha.

Aniya na nagiging mababaw ang ilog at nagiging makipot ang kapasidad nito sa panahon ng patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.

“Kailangan linisin natin dahil ito po yung nagko-cause ng flooding. Kung nakabara po ‘yang basura at medyo heavily silted, talagang pong tayo ang maaapektuhan,” saad niya.

Sa kasalukuyan, ang DENR, sa pakikipagtulungan ng concerned agencies at local government units, ay nagsasagawa ng assessments sa mga lugar na apektado ng baha, bilang pagtugon sa naaangkop na mga programa.

Kasasabay ng dredging project na isinasagawa, sinabi rin ni Usec Leonel na kanilang inirekomenda ang reforestation project sa ilalim ng National Greening Project ng DENR na ipatutupad sa Cagayan Valley, lalo na sa watershed areas.

Tinitignan din ng ahensiya ang reforestation project sa matataas na lugar sa pamamagitan ng kanilang Integrated Social Forestry Program (ISFP), na hihikayat sa mga taga-baryo na linangin ang mga puno sa kagubatan at mga pananim na pang-agrikultura.

“Meron din po tayong available na perennial crops na pwede nating ilagay din sa kagubatan. Hindi man mapuputol but the communities can benefit from the fruits of the trees that it can provide. This can be part of the alternative livelihood to be given to the communities instead na magputol pa sila dun,” dagdag pa niya.

Layon ng ISFP na matulungan ang mga pamilya na magkaroon ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng paggamit ng naangkot na upland technologies habang pinoprotektahan ang kalikasan.