November 23, 2024

Sec. Villar, humingi ng panalangin para sa 2 nasawing DPWH engineer sa landslide


HUMINGI ng panalangin sa publiko si Secretary Mark Villar para sa dalawang engineer ng Department of Public Works (DPWH) na namatay matapos matabunan ng gumuhong lupa sa magkahiwalay na lugar sa Banaue, Ifugao noong Linggo.

“Two young heroes died today. Engr. John Limoh and Engr Julius Gulayan risked and lost their lives serving our country,” ayon sa Facebook post  ni Villar.

“They were buried in mud and boulders after a landslide hit the Nueva Vizcaya – Ifugao – Mt Province Road where they were conducting clearing operations,” malungkot pa niyang pahayag. “Please join me in praying for their eternal peace,” pagwawakas nito.

Kahapon ay natagpuan ang katawan ng dalawang engineer matapos ang tatlong araw na search and retrieval operations.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) Cordillera Director Brig. Gen. R’win Pagkalinawan, dakong alas-1:20 ng hapon nang matagpuan nitong Linggo sa Sitio Wang-wang, Barangay Lubu-ong ang mga labi ni John Limoh, 31, may-asawa at residente ng Ducligan, Banaue, Ifugao.

Kinilala ng kanyang ama na si William, at kapatid na si Jocelyn, at asawang si Jojhie ang bangkay ni Limoh.

Ilang minuto lang, nahukay din mula sa gumuhong lupa ang katawan ni Julius Gulayan Jr. malapit sa Sitio Balat, na nasa Barangay Lubu-ong din.

Nakilala ng kanyang pinsan na si Reynald Guimpatan, at tiyuhin na si Gabriel Binohlan Jr. dahil sa kanyang pustiso at sa kanyang curly hair.