November 24, 2024

Mayor Isko Moreno magbibigay ng panibagong insentibo sa zero COVID-19 barangay sa Maynila

Inanunsiyo ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso na muling magbibigay ng cash incentives ang pamahalaang lungsod sa mga barangay na walang maitatalang coronavirus disease o COVID-19 sa susunod na dalawang buwan.

Sa nilagdaang Executive Order 45,  ang pagkakaloob ng ₱100,000 cash incentives para sa zero COVID-19 barangay ay magsisimula sa Disyembre 2020 hanggang Enero 2021.

Sa naturang EO ay nakasulat na naging epektibo ang pagkakaloob ng cash incentive sa mga barangay upang hikayatin sila na palakasin ang paglaban sa COVID-19.

Sinabi ng alkalde na bagaman malayo na ang narating ng lungsod sa kampanya laban sa virus ay aminado pa rin si Moreno na marami pang dapat gawin upang tuluyang maging COVID-19 free ang lungsod.

Nabatid rin sa alkalde na ang 73 barangay na naging zero COVID-19 mula Setyembre 2020 hanggang Oktubre 31, 2020 na mananatiling COVID-free ay bibigyan ng karagdagang 100,000 pesos na kabuuang 200,000 pesos.