November 23, 2024

SI ROLLY,SI QUINTA AT SI ULYSSES

SALAMAT sa Diyos nakaalis na si Ulysses. “Caught flatfooted and offguard” ang mamamayan sa bagsik ng bagyong Ulysses. Kung kaya marami ang di nakapaghanda sa kanyang daluyong sa gitna ng dilim kagabi partikular dito sa Marikina City.

Naging kampante na kasi ang ating ka- Mariqueños na medyo mabait pa ang ngitngit ng kalikasan tulad ng masyadong nakatatakot na banta ng binansagang super typhoon Rolly ay biglang nanghina pagdapo sa lupa maliban sa sinalanta nito sa Kabikulan.

Isa pang sumobra ang banta ay ang sumunod na bagyong Quinta na katulad din ang tahak ng pananalanta ni Rolly. Pero, pasalamat tayo sa Maykapal dahil sa humina ito mula sa quinta na naging tersiya na lang siya . Kaya si Ulysses medyo hindi naseryoso bagama’t handa naman lahat ng kinauukulan.

Buong Luzon ay winalis ni Ulysses at ang bangis niya ay naramdaman lalo dito sa Marikina na nagpatumba ng mga puno, nagwasak ng mga bahay at nagpalubog sa komunidad na malapit sa umapaw na Marikina River. Kahit sa karimlan ng nag-aalumpihit na panahon kagabi ay muling naramdaman ang diwa ng Bayanihan ng ating mga kababayang Pilipino kahit na taga ibang lugar sila.

Nakakaantig ng puso ang ginawa nilang pagsaklolo at pag- rescue na di na kailangan pang manduhan ng local na liderato at nasyunal. Ang daming buhay ang potensiyal na mabubuwis kundi sa kabayanihan ng Sandatahang Lakas, Kapulisan, LGU’s, Red Cross, Volunteers, Medics , Media at iba pang makataong organisasyon ns kapit- bisig sa pagsalba ng buhay ng mga apektadong mamamayang di rin nawalan nang sampalataya sa kapanyarihan ng Lumikha.

Personal kong naramdaman ang mga hikbi ng kanilang pagkakaligtas sa tiyak na kapahamakan kung wala ang bayanian spirit nang ating mga kababayan. MABUHAY ang ating mga bayaning rescuers na nagtaya rin ng buhay para magligtas ng maraming buhay.

Ngayon ang panahon ng pagkakaisa.Dapat ay wala nang masamang mga elemento na sasamantalahin ang kalamidad para makinabang nang pansarili at isantabi na ang pamumulitika sa panahon ng trahedya. Alam ng mamamayan kung sino kayo na kundi rin lang makatutulong sa panahon ng pangangailangan ay manahimik na lang…ABANGAN!!!