November 24, 2024

MAY MAIPAPAKULONG KAYA SA WAR ON CORRUPTION?

Sa haba ng proseso at dami ng isinampang kaso ng Department of Justice para usigin at kasuhan ang mga mandarambong sa pamahalaan sa kanyang programang “ war on corruption,” ang tanong may maipakulong kaya si Pangulong Duterte bago siya bumaba sa puder?


Sa Kapihan sa Manila Bay online forum na ginaganap tuwing Miyerkules naging panauhin si DOJ Secretary Menardo Guevarra kasama ang kanyang mga  under secretaries ipinaliwanag nila na patuloy ang pagtutok nila sa mga kasong kanilang isinampa laban sa mga personalidad bago pa man magpandemiya.

Ayon kay Guevarra isa sa binabantayan ng kanyang ahensiya ang imbestigasyon at pagsampa sa kaso ng pandarambog laban sa kanyang mga kasamahan sa gobyerno. Ito’y alinsunod na rin sa ipinag-utos ni Duterte.

Hindi daw makakalusot kahit pa ang malalaking isda sa pamahalaan sapagkat masusi ang imbestigasyon.

Sa kasagsagan ng pandemiya, mga Cabalen, lumabas ang usapin ng korupsiyon sa Philhealth at DOH na pawang mga nasa ilalim ng pamahahala ni DOH Sec Francisco Duque.

Hindi nga ba sapat ang tiwalang ininibigay ni Duterte sa kanyang DOH secretary at kung mapatunayang sangkot sa anomalya ay sasampahan ng kaso?

Pero mga Cabalen may ilang beses nang ipinagtanggol ni Duterte si Duque. At hindi nito hinayaang magbitiw sa puwesto sa kabila ng kabi-kabilang kapalpakan sa kainitan ng COVID-19.

Maliban dito, ang Philhealth na nasa ilalim din ng kanyang pangangasiwa, sampu ng kanyang mga opisyal ay sabit din sa mga anomalya ng pandarambong at katiwalian.

Matatapos na po ang taon, mga Cabalen, saan na patutungo ang imbestigasyon ng “war on corruption” ng DOJ?

Kung babalikan natin ang mga pangyayari, mga Cabalen, mabibilang sa daliri ang mga opisyal ng pamahalaan na nakasuhan dahil sa pandarambong. Ang nakagawian lulusot ka lamang sa kahit anong kaso kung ikaw ay isa sa mga sinasabing malapit sa kusina. Pero kung sa kusina ng kaaway ka malapit, naku magtago ka na! Dahil sigurado hindi ka pa nalilitis kulong ka na.

Iyan ang mapait na katotohanan sa ating bansa, mga Cabalen. Ang riot na nangyari ng dalawang beses sa New Bilibid Prison bakit hanggang ngayon walang umaako sa kapabayaan?  Hanggang saan ba umaabot ang imbestigasyon? Ang saklap nangyari na naulit pa. Ibig sabihin may kapabayaan sa hanay ng BuCor. Kasalukuyan pa rin iniimbestigahan ng DOJ ang mga pangyayari.