November 23, 2024

Motorsiklo bumangga sa Isuzu Aluminum Van, 1 patay, 2 sugatan

ISANG rider ang nasawi habang sugatan naman ang kanyang dalawang angkas matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang Isuzu Aluminum Van sa Caloocan City, Biyernes ng hating gabi.

Hindi umabot ng buhay sa East Avenue Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan si Ferdinand Etrata, 26 ng Taberna Bauang La Union habang ang kanyang dalawang angkas na si Kennie Ray Mendoza, 26, ng 1436 Gana Compound, Unang Sigaw, Balintawak, Quezon City at Jeamar Lopez, 35 ng BF Martinville, Las Pinas City ay ginagamot sa naturang pagamutan.

Mahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Multiple Physical Injury at Damage to Properties ang driver ng Isuzu Aluminum Van (PYQ-739) na si Orlando Rirao, 45 ng San Antonio Bagac Bataan.   

Sa imbestigasyon ni PMSg Fernan Romero, dakong 12 ng hating gabi, patawid sa kahabaan ng EDSA patungong corner A. De Jesus St., Caloocan City ang Isuzu aluminum van na minamaneho ni Rirao nang sumalpok sa kanan at hulihang bahagi ng sasakyan ang motorsiklong minamaneho ni Etrata na tinatahak ang kahabaan ng EDSA patungong Balintawak, Quezon City.

Sa lakas ng impact, tumilapon si Etrata at kanyang dalawang angkas dahilan upang magtamo ang mga ito ng mga sugat sa kanilang katawan kaya’t mabilis silang isinugod ng rumespondeng rescue ambulance ng Caloocan City sa naturang pagamutan.