November 3, 2024

PH handa na… ROLLY PINAKAMALAKAS NA BAGYO SA BUONG MUNDO NGAYONG 2020

AGAD lumikas sa ligtas na lugar ang ilang kababayan natin na nasa high-risk areas, sinuspinde na rin ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat at inihanda na rin ang mga evacuation centers habang ipatutupad ang COVID-19 protocols dahil sa banta ni Bagyong Rolly, ang isa sa pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon.

Sa tala ng weather bureau nitong alas-2:00 ng hapon nitong Oktubre 31, taglay ni Rolly ang lakas ng hangin na 215 kilometers per hour na malapit sa sentro at bugso na 265 kph – ang pinakamalakas na bagyo sa bansa mula nang hagupitin ng Bagyong Yolanda ang bansa taong 2013.

Inaasahan ng pag-asa itataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 4, ang ikalawa sa pinakamataas na 5 kategorya, kung saan inaasahan ang mapanairang lakas ng bagyo at matinding pinsala sa istraktura.


Inaasahan na rin ng disaster response agency ng bansa na malawak ang magiging pinasala ng naturang bagyo.

“Malawak na pinsala ang nakikita natin dito kahit hindi siya maging super typhoon. Kung typhoon level lang ay aabot tayo sa Typhoon Signal No. 4 at magkakaroon na lakas ng hangin na 171-220 kph at asahan natin ang heavy to very heavy damage sa kaniyang daraanan,”  ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Director Ricardo Jalad  sa isang virtual briefing sa state-run PTV.


Hinimok naman ng Malacañang na mahigpit na imonitor ang mga updates at sundin ang mga babala ng pamahalaan.


We ask the public, especially the residents of potential areas that will be affected by the typhoon to stay calm yet vigilant, check the latest government weather advisory, listen to the radio or watch television for more information, secure their house and vehicle, and keep their family members and loved ones dry and safe,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang panayam.

Aniya, naglaan ng P879 milyon na pondo ang social welfare development upang suportahan ang local government units na mangangailangan ng tulong dahil sa epekto ng bagyo.

Handa  na rin ang bansa tumugon sa bagyo kasabay ng pag-iingat sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic, habang ang health department ay nakikipagpulong na rin sa local government unit ngayong Sabado kung papaano matitiyak ang kaligtasan ng mga residente na ililikas sa mga evacuation center.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire may minimum health standards na dapat sundin sa mga evacuation center tulad ng pagsusuot ng face mask, physical distancing at paghuhugas ng kamay.

“‘Yan po ang ating ina-anticipate, alam po natin may LGUs na walang facilities at baka magkaroon po ng siksikan. Ang amin pong binibigyan na paalala, lahat po dapat naka-mask, dapat may handwashing stations at mga alcohol at pinakaimportante po dapat may safety officers,” saad ni Vergeire.

May mga safety officer na magmomonitor at magrereport kung mayroong nakararanas ng sintomas ng COVID-19 sa loob ng evacuation centers.

Unang hahagupitin ng bagyo ang Camairines Sur sa Bicol region kaya agad nagsagawa ang provincial government ng forced evacuation ng mga residente sa delikadong lugar.

Noong Biyernes, nilagdaan ni Gov. Miguel Luis Villafuerte ang Memorandum No. 4 na nag-aatas ng evacuation  sa mga residente na na nakatira sa mga light materials na bahay at sa mga landslide at flood-prone barangay.

Maaga pa lang ay ipinatupad na ang evacuation sa Real, Quezon, kung saan inaasahang magla-landfall ang bagyo. Marami sa mga residente ang lumipat sa tahanan ng kanilang kaanak sa paanang bahagi ng Sierra madre. Inalis na rin ang mga bangka sa mga baybayin.