November 3, 2024

PHISGOC, iimbestigahan ng Kamara kaugnay sa anomalya SEA Games

Bukas ang House Committee on Good Government and Public Accountability na mag-imbestiga kaugnay sa isyu ng pondo sa 30th SEA Games.

Ito ang pinahayag ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, chairman ng komite. Ito’y bilang pagtugon sa mga panawagan na imbestigahan ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).

Nalagay sa kontrobersiya ang PHISGOC dahil sa umano’y korapsyon at ireguladidad sa paggamit ng pondo ng gobyerno.

Aalamin ng Kamara kung papaano ginamit ang bilyong pondo sa pagiging host sa biennial sports meet.

 “Basta mai-refer po sa committee namin, mag-hearing po kami,’ saad ni Rep. Alvarado.

 ‘Di po ako namimili. Basta po may mabuting maidudulot sa mga kababayan natin,” aniya sa isang Viber message.

Aniya, wala siyang alam na may resolusyon na inihain sa Kamara tungkol sa imbestigasyon.

Sinabi naman ni Public Accounts Chairman Rep. Michael Defensor na ang isyu ay hindi saklaw ng kanyang komite.