SUPORTADO ni Senador Imee Marcos ang panawagan ng militar na mag-organisa ng mga sibilyang pwersa na pantapat sa napaulat na pagdami ng grupo ng Chinese milita sa West Philippine Sea (WPS).
“Dapat palawakin ang pagre-recruit ng Naval Special Operations Group (NAVSOG), o mas kilalang Philippine Navy Seals, sa mga komunidad ng Pilipinong mangingisda,” ayon kay Marcos.
Inihayag ito ng senadora bilang tugon na rin sa plano ng militar na magpadala sa WPS ng maritime version ng Civilian Armed Forces Geographical Units (CAFGUs).
“Ipagtanggol natin ang ating mga mangingisda. Sumuko na ba tayo sa pagdedepensa sa kanila? Hindi tayo pwedeng manghina dahil sa takot at manatiling walang laban,” diin ni Marcos.
Binanggit ni Marcos ang pag-amin ni Defense secretary Delfin Lorenzana na wala pang 25% ang kakayahang pangdepensa ng Armed Forces of the Philippines o AFP dahil sa limitadong badyet at mga legal na hadlang sa pagbili ng mga gamit na pangdepensa.
Para matugunan ang kakulangan sa badyet ng militar, inihain ni Marcos ang Senate Bill 1871 na muling bubuhayin ang Self-Reliance Defense Posture Program (SRDP) na ipinatupad ng Presidential Decree 415 noong 1974.
Ayon kay Marcos, pinalakas ng SRDP ang lokal na paggawa ng mga armas o baril pati na rin ng mga sasakyang pang-militar habang pinapanatili ang ating mga foreign exchange resources.
“Ang programang SRDP ay maaaring maglikha ng mga armas pandigma gamit ang mga indigenous materials o mga katutubong materyales at malaki pa ang ating matitipid na dolyar,” ani Marcos.
Kabilang sa mga armas na tinukoy ni Marcos ay ang M16 Assault Rifle, 60mm Mortar Tube, 81mm Mortar Tube at gun barrels, gayundin ang MKII hand grenade at 5.56mm at 81mm mortar ammunition.
“Nagawa rin nating lumikha noong 70’s ng mga sasakyang tulad ng jiffy jeeps, mini cruisers, hovercraft, speed boats, marcelo boats, PCF, LCVP at whale boat,” dagdag ni Marcos.
Inihain din ni Senadora Marcos and Senate Bill 1707 upang mapreserba ang lihim at maging ang ‘top-secret nature’ ng pagbili ng mga supply at gamit na pang-depensang militar na sa kasalukuya’y hindi exempted sa pagsasapubliko ng General Procurement Act.
“Ang pagiging transparent o bukas ay hindi nangangahulugang ibubuyangyang na lahat, dahil mayroong mga “trade secret” na tanging iilan lang ang dapat na makaalam, tulad ng pagbili ng mga pangunahin at “highly classified defense material” na kapag isiniwalat, maaaring maging dahilan para mameligro ang pambansang seguridad,” giit ni Marcos.
Dagdag pa ni Marcos, ang pagbibigay sa AFP ng special mode ng pagbili bukod sa public bidding, “na daraan sa espisipikong mga kondisyon,” ang magpapabilis sa pagbili ng military supplies.
Iginiit ni Marcos na ang unang “horizon” ng three-phase AFP modernization program ay tatlong taon nang huli sa 2017 completion deadline nito, habang ang dapat na second at third horizons ay dapat namang matapos pagsapit ng 2022 at 2028.
“Napaka-konti ng 21 mula sa 152 na mga proyekto ang katatapos lang nitong Agosto 2019 sa ilalim ng Horizon 1. Pero ang mas malala, yung 25 ay nasa magkakaibang proseso pa lang ng procurement,” paliwanag ni Marcos.
Sa ulat ng Global Asia, nasa pang-anim na ranggo lang ang tinatayang gastos ng Pilipinas na US$3.47 billion para sa defense nito kumpara sa ibang mga bansang kasapi ng ASEAN.
Sa nasabing publication ng Seoul-based East Asia Foundation, ang Singapore ay naglaan ng US$11.2 billion; Indonesia US$7.6 billion; Thailand US$7.1 billion; Vietnam US$5.5 billion; at Malaysia US$4 billion.
Dahil sa dekadang delay ng modernization program ng AFP ay nahihirapan ang bansa hindi lamang para lumaban sa mga dayuhang nanghihimasok sa ating teritoryo at exclusive economic zone kundi pati na rin tumugon sa mga kalamidad na tulad ng pandemya ng COVID-19 gayundin sa cyber at biological warfare, dagdag ni Marcos.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY