November 2, 2024

GYMNAST CARLOS YULO, GLORYA SA SPORTS MULA ‘PARAISO’

BATANG ‘Paraiso’ ang pinagmulan at pinaghubugang talento  ng isang kabataan na inakay ng kapalaran tungo sa tinatamasang glorya sa larangan ng palakasan  sa kasalukuyan.

Sino ang mag-aakalang sa murang edad ni Carlos Edriel Yulo na namulat sa mataong lugar sa kalye  Leveriza na nasa Malate, Maynila ay isa nang kampeon sa mundo sa larangan ng gymnastics? 

Siya rin ang posibleng natatanging atletang Pilipino na makakapitas ng kauna-unahang Olympic gold medal na naging madulas sa Pilipinas mula noong lumahok ang bansa sa Summer Olympics (1924) halos isang siglo na ang nakaraan.

Ang batang si Yulo ay anak ng isang breakdancer na si Mark Andrew at housewife na si Angelica Yulo at pangalawa sa limang magkakapatid.

Ang  breakdancing ay usong larangan sa mga kalye ng kalunsuran noong dekada ’90 kaya nanalaytay sa dugo ni Carlos ang pagiging kontesero tulad kanyang ama at kuyang si Drew na una namang  naging gymnast.

Naging laman si Carlos  kasama ng ilang musmos din sa isang parke sa Malate na mas kilalang ‘Paraiso ng Batang Maynila’ na nasa harapan  ng Manila Zoo sa Adriatico at ilang hakbang lang mula sa Leveriza.

Ang ‘Paraiso’ ay di lamang naging ordinaryong pasyalan ng mga kabataan ng Leveriza kundi naging isang training ground ng tulad niya  na nangarap na maging gymnast din balang araw sa giya ng kanyang ‘Lolo Rico’ na laging sumusubaybay sa kanya mula pag-aaral sa Aurora A. Quezon Elementary School hanggang sa paglalaro niya  sa ‘Paraiso’.

Pag may pagkakataon, dinadala ni ‘Lolo Rico’ sina Yulo at ibang batang ‘Paraiso sa Rizal Memorial Sports Complex na ‘isang pukol’ lang mula Leveriza upang doon ay makapanood sila ng tunay na larong gymnastics sa gym na nasa likuran ng Rizal Memorial Coliseum.

Doon nagsimula ang mangha sa sport na iyon ang batang si Carlos dahil alam niya kaya niyang gawin ang mga napapanood niyang mga kabataan ding atletang naroon na paminsan-minsan ding nakapaglalaro ang kanyang kuya kapag may torneo doon noon.

Naging atleta si Yulo ng kaniyang paaralan bilang gymnast kahit na ang  praktisan ng kanyang mga thumbling routine ay ang madamong bahagi ng ‘Paraiso’ kung saan ay nagwawagi na rin siya sa mga kumpetisyong nilalahukan tulad ng NCR Palaro, MILO Little Olympics, Philippine National Games at kalaunan ay Palarong Pambansa.

Ipinagmalaki ni ‘Lolo Rico’ nang makadaupang-palad ng reporter na ito sa loob ng RMSC  ang mga  panalo ni Carlos at hiling niya na sana ay malagay naman  sa pahayagan ang mumunting achievements para mapansin ang bata at magkaroon ng oportunidad na maging  isa sa mga nagsasanay sa Gymnastics Gym sa Rizal.

Ang laking tuwa nina Carlos at lolo nito nang matunghayan sa ating diyaryo ang naging panalo ng bata sa scholastic gymnastics kaya  naging isa sa dahilan upang  mapansin siya  bilang potensiyal gymnast at dapat lang na maging ‘Batang Rizal’ bilang atleta.

Isa ang pagkakalathalang  iyon upang kilalanin si Yulo at kalaunan ay pinayagan na siyang makapag-ensayo sa fully-equipped Gymnastics Gym na nag-level up mula sa praktisan niyang damuhan at lupa sa ‘Paraiso’.

Nang nagpapanalo na si Yulo sa mga ‘Palaro’ at nakita ang natatangi niyang potensiyal ay kinalinga na siya ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) sa pamumuno ng noon ay bagong  pangulong si Cynthia Carrion.

Nakakalahok na siya sa mga bigating kaganapan sa lokal at international na eksena kung kaya ang kanyang training at exposures sa abroad ang naghasa nang husto sa kanyang talento sa timon ng ekspertong trainer-coach at suporta na rin ng Philippine Sports Commission.

Hindi nagkamali si Carrion sa pagkalinga sa batang iyon  na 20- anyos na ngayon  dahil naghahandog na  siya ng karangalan sa bansa.

Tampok ang kanyang tagumpay bilang kampeon sa daigdig  ay  nang gulantangin niya ang mundo at hablutin ang gold medal sa Floor Exercise ng 49th FIG World Artistic Gymnastics Championship sa Stuttgard, Germany (ticket to Tokyo Olympics) noong Oktubre ng nakaraang  taon  na nasundan pa ng kanyang dominasyon noong 30th Southeast Asian Games Philippines 2019.

 Ngayon ay nasa marubdob na training si Yulo sa Japan bilang preparasyon para sa Tokyo Olympics sa Hulyo-Agosto ng susunod na taon  at tinataya ng marami na siya ang magiging unang Pilipino na magiging Olympic Gold medalist na maitatala para sa karangalan at  kasaysayan ng Pilipinas.

Sa munting suportang naipagkaloob nang ating  artikulo tungkol kay Yulo noon ay mga dambuhalang suporta na ang kanyang tinatamasa ngayon lalo na kapag natupad na ang  ginintuang pangarap sa Olimpiyada.

Ang Batang ‘Paraiso’ noon ay walang dudang  patungo na sa glorya ng tagumpay di lamang sa sarili ni Yulo kundi pati na ang ating  bansang makakadama na ng tunay na tagumpay matapos ang maraming kabiguan.