November 23, 2024

VISIT VISA SA DUBAI, HINIGPITAN NG UAE GOV’T

Ngayon binuksan na ng Pilipinas ang non-essential travels sa ibang bansa, may masamang balita sa mga Pinoy, lalo na sa mga kamag-anak at kaibigan ng Overseas Filipino Workers na gustong mag-turista o bumisita sa United Arab Emirates.

Sa UAE Labours blog, inanunsyo ng UAE government ang mas mahigpit na policy sa pagbibigay ng visit visa sa mga Filipino at iba pang nationality na bumibisita sa Dubai.

Ang hakbangin ng UAE gov’t ay kasunod nang daan-daang tourist visa holders ang na-stranded sa Dubai International Airports dahil sa ipinatupad na lockdown dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Sa ilalim ng bagong rules, bago maisyuhan  ng visit visa, dapat magpakita muna ang isang turista ng cash in hand na halagang AED2000, return air ticket at hotel reservation o relative/friend reference.

Narito ang mga dokumento na requirement para ma-isyuhan ng visit visa sa UAE, ang isang OFW ay kailangang may proof of relationship, proof of accommodation, employment contract, sponsor’s pay slip sa nakalipas na 6 buwan, kopya ng kanyang visa.

Sa proof of accommodation, ang sponsor (OFW) ay kailangang magsubmit ng isang kopya ng tenancy contract (rent agreement) na nasa ilalim ng kanyang pangalan o hotel booking duly stamped by the hotel or travel agency na may duration ng pag-stay at may return flight ticket ng bisita.

Sa proof of relationship, sponsor’s report of children’s birth; sponsor’s marriage report; NSO/PSA-issued birth certificate of visitor, as applicable at NSO/PSA-issued marriage contract, as applicable.


Kung dati, ang isang OFW ay pinapayagan ng UAE gov’t na mag-sponsor ng kanilang kamag-anak kung sila ay may kinikita na AED4000 (without accommodation) o AED3000 (with company provided accommodation), simula noong August 24, 2020, ginawa na itong AED10,000; AED14,000 at AED18,000.  

Sa isang single expat, dapat ang minimum salary ay AED10,000 para makakuha ng visit visas ang kaniyang mga kapamilya.

Habang ang married couple na nagta-trabaho sa UAE ay kailangan na may combined income na AED14,000 at ang mag-asawa na may anak na sumasahod na rin ay kailangan magpakita ng katunayan na AED18,000 combined salaries.

Ang iba pang required documents ay ang UAE/Tourist visa, trade license ng travel agency or company/hotel/airline facilitating the visitor’ visa at valid residence visa of sponsor.

Sa pagdating sa airport, mahigpit na binubusisi ng Dubai authorities ang hotel booking, ang sulat ng kaibigan o kamag-anak kung gaano katagal mag-stay sa UAE.

Inabisuhan na rin ng travel agencies ang mga Pinoy na bibiyahe sa Dubai na sundin ang nasabing bagong patakaran.

Bukod sa Pilipinas, ganitong patakaran din ang ipinatutupad ng UAE gov’t sa mga visitor or tourist mula sa Pakistan, Afghanistan, India, Nepal at Bangladesh.

Kung hindi makapag-pakita ng nasabing mga dokumento at cash in hand, agad na pababalikin sa kanilang pinagmulang bansa ang mga traveler na sagot ng airline companies ang return air ticket.

Hindi happy at inaalmahan ng mga OFW sa UAE ang nasabing bagong patakaran.

Para sa inyong komentaryo, opinyon at suhestyon, mag-email lang sa [email protected].