November 23, 2024

Curfew hours posibleng paiikliin | SIMBANG GABI, OKS SA METRO MANILA MAYORS

PAPAYAGAN ang tradisyunal na “Simbang Gabi” sa Christmas season sa Metro Manila habang posibleng paiiklin ang curfew hours mula alas-12:00 ng hating gabi hanggang alas-3:00 ng madaling araw simula sa Disyembre 1, ayon sa chairman ng Metro Manila Council (MMC).

“Opo, ‘yun po ay papayagan na po ‘yun, pero ang mangyayari lang po dyan, mas dadami po ang simba sa madaling araw para maiwasan po natin ang gathering sa pagdikit-dikit at magkaroon po ng physical distancing,” ayon kay MMC chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.

“Ang pinag-uusapan pa po is starting December 1, dahil dito sa Simbang Gabi, baka ang gawin pong curfew ng Metro Manila ay i-adjust na rin po ‘yan ng 12:00 to 3:00 na lang po ng umaga para sa pagsisimba ng atin pong mga church-goer,” dagdag niya.

Ibununyag din ni Olivarez na ang MMC, na binubuo ng mga alkalde ng 16 siyudad at isang munispalidad sa Metro Manila, ay inirekomenda sa Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Disease na i-relax ang curfew hours sa rehiyon mula sa kasalukuyang alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw na gawing alas-12:00 ng hatinggabi hanggang 4:00 ng madaling araw.

Bagama’t sinabi niya na pananatilihin ng Navotas City ang curfew hours nito mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 madaling araw.