February 22, 2025

9 kahera, arestado sa tinangay na P264K na kita ng sabungan

ARESTADO ang siyam na kahera ng isang cockpit arena nang mabisto ang ginawa nilang pang-uumit sa pera na kita ng sabungan sa Malabon City.

Mariin pang pinabulaanan ng mga kaherang sina alyas “ Geraldine”, 44, “Rhea”, 24, “Rhemie” 28, “Alissa”, 22, “Abegail” 31, “Karen”, 25, “Noriecel”, 44, “Acie” 28, at “Patricia” 20, ang bintang sa kanila na pang-uumit ng salapi na nagkakahalaga ng P264,000.00 na hindi nila ini-remit sa Matadero Cockpit Arena na matatagpuan sa Nibunco St. Brgy. San Agustin.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan, nabuking ang pagkawala ng pera nang magsagawa ng pagtutuos ang Auditor ng sabungan na si alyas “Angelica”, kaya kaagad niya itong ipinabatid sa Operations Manager ng sabungan na si Chito Sumilang, 60.

Iginiit umano ng mga kahera na nai-remit na nila ang nawawalang salapi na dahilan upang iutos ni Sumilang na suriin ang mga gamit ng mga kahera at dito na nakuha ang kabuuang P207,030.00 na bahagi ng nawawalang kinitang salapi ng sabungan.

Humingi ng tulong si Sumilang sa mga tauhan ng Malabon Police Station Intelligence Section na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga kahera. Ayon kay Col. Baybayan, sasampahan nila ng kasong Qualified Theft ang mga babaing kahera sa Malabon City Prosecutor’s Office.