December 26, 2024

9 HENERAL SANGKOT SA DRUG TRAFFICKING (Iimbestigahan ng PNP)

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang malawakang imbestigasyon kaugnay sa ibinulgar ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address na siyam na police general ang umano’y sangkot sa drug trafficking.

Ayon kay Eleazar, alamin at tutukuyin nila ang matataas na opisyal sa PNP na sinasabing sangkot sa iligal na droga.

Giit niya, walang puwang ang organisasyon para sa mga tiwaling pulis, lalo na ang sangkot sa iligal na droga.

“Iimbestigahan nating mabuti ang bagay na ito. Aalamin at tutukuyin natin ang matataas na opisyal sa PNP na sinasabing sangkot sa iligal na droga,” saad ng PNP chief.

“Uulitin ko, walang puwang sa organisasyon para sa mga tiwaling pulis, lalo na ang sangkot sa iligal na droga,” dagdag niya.

Bago nito, una nang nagpahayag si Surigao del Norte Representative Robert “Ace” Barbers na nais nyang magpatawag ng congressional inquiry kaugnay sa 9 na police generals.

Nabatid na 5 lang ang mga heneral na pinagalanan noon ni Pangulong Duterte na pawang mga retirado na.

Hindi naman sinabi ni Eleazar kung ang siyam na narco-generals na binanggit ni Pang. Duterte ay bago o ang lima dito ay yung dati nang pinangalanan.

Ito ay mga retired generals na sina dating retired Deputy Director Gen. Marcelo Garbo, CSupt. Vicente Loot, CSupt. Joel Pagdilao at CSupt. Edgardo Tinio.

Kung maalala nuong 2016 iniimbestigahan na ng DOJ ang pagkakasangkot umano ng limang PNP generals sa illegal drugs.

Dahil dito sinibak sa serbisyo ni Pang. Duterte nuong 2017 sina BGen Joel Pagdilao at BGen. Edgardo Tinio dahil sa serious neglect of duty and serious irregularity in the performance of duty.