January 19, 2025

9 ARESTADO, P7.84-M SHABU NASABAT SA COTABATO CITY ANTI-DRUG OPS

ARESTADO ang siyam na katao matapos masamsam sa kanila ang 1.15 kilo ng shabu na may halagang P7.84 milyon sa magkakahiwalay na anti-drug operation sa Cotabato City.

Ayon kay Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, na siya ring namumuno sa Inter-Agency Task Force Kutawato (IATFK), isinagawa ang operasyon sa kahabaan ng LR Sebastian Street sa Barangay Rosary Heights 10 nitong Biyernes ng hapon. “The IATFK seized PHP7.8 million worth of suspected shabu and arrested three persons during the 3 p.m. anti-drug buy-bust operation,” ayon sa alkalde.

Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindnanao (PDEA-BARMM) Director Christian Frivaldo ang mga naarestong suspek na sina Komini Mama, 31, Kasan Abdul, 31, at Yasser Sabal, 36.

Nasabat sa mga suspek ang 1.15 kilo ng hinihinalang shabu, buy-bust money at motorsiklo.


 “The distribution of prohibited drugs in the city had been busted,” saad ng IATFK.

Patuloy namang tinutugis ang isang nakatakas na suspek.

Nakakulong na ngayon ang mga naarestong suspek sa PDEA-BARMM detention facility sa siyudad na ito habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.

Nitong Huwebes, naaresto rin ng IATFK, ang anim na katao nang salakayin ang drug den sa ikinasang anti-drug operation sa Barangay Bagua Mother, sa siyudad ding ito.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga naarestong suspek na si Jennifer Pradi Maturan-Ali na siyang may-ari ng hithitan ng droga at kanyang mga parokyano na sina Abduladzis Dandang Ali, Pagpag Lumabao, Sahid Linkuan, Esrafil Dading, at Akmad Giok.

Nakatakas naman ang suspek na si Mentiok Ali sa isinagawang operasyon. Nakumpiska sa mga supsek ang shabu na nagkakahalaga ng P40,000, buy-bust money, mga cellphone, at identification cards.