November 19, 2024

88% NG POLICE GENERAL, COLONEL NAGHAIN NG COURTESY RESIGNATION

Nakatanggap ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit  800 courtesy resignations mula sa 956 generals at colonels bilang pagsuporta sa “radical approach” ng pamahalaan sa pagtanggal sa mga opisyal na sangkot sa drug trafficking, ayon kay national police spokesperson Col. Jean Fajardo nitong Huwebes.

“Around 88 percent or 800 plus [officers] as of 5:30 p.m. yesterday (Wednesday),” aniya.

Nauna nang sinabi ni Fajardo na hindi lahat sa PNP ay pabor sa pagsusumite ng courtesy resignations, at kinuwestiyon umano ng iba kung kinakailangan ito ngayong nasiwalat na ang mga pinaghihinalaang may kaugnayan sa drug trade.

Iginiit naman ni Fajardo na nagdulot ng pinsala ang pagkakasangkot ng ilang PNP personnel sa illegal drug activities sa reputasyon ng buong organisasyon.

“Once and for all, we need to step up and take the lead of making the supreme sacrifice of submitting our courtesy resignation,” aniya.

Kinumpira ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong nakaraang linggo na inaprubahan niya ang panawagan ni Abalos.

Aniya, matagal na umano itong plano ng kanyang organisasyon, na makapaglalagay umano sa anti-illegal drug war approach “in an entirely different way.”

Bumuo naman ng five-member committee upang magsagawa ng ebelwasyon sa high-ranking police officers na nagsumite ng kanilang courtesy resignations upang matukoy ang posibleng kaugnayan sa drug trade. Sa kasalukuyan ay tanging si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, retiradong police general, ang miyembro ng komite na isiniwalat sa publiko.