November 5, 2024

8 sugatan, 300 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Malabon

Sugatan ang walong katao habang umabot naman sa 300 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang sunog sa isang residentetial area sa Malabon city, kahapon ng umaga.


Ayon kay Malabon Bureau of Fire Protection (BFP) arson investigator FO3 Jester Banglin, dakong 10:40 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ni Neri Abagon sa P. Concepcion St. Brgy. Tugatog.


Mabilis na kumalat ang apoy sa katabing mga kabahayan na pawang gawa sa light materials kaya’t mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng BFP at mga fire volunteer mula sa mga katabing lungsod.


Sinabi ni City Fire Marshal Supt. Eduardo Loon, tumagal ng higit sa anim na oras bago idineklarang undercontrol ng mga bumbero ang sunog dakong 4:20 ng hapon dahil nahahiran silang makapasok sanhi ng makitid na mga daanan sa lugar.


Umabot sa 100 kabahayan ang tinupok ng apoy na tuluyang naapula bandang 5 ng hapon habang tinatayang nasa P2,000,000.00 halaga ng ari-arian ang naabo sa sunog.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga apektadong residente sa covered court ng Brgy. Tugatog habang patuloy ang imbetigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.