PINABALIK ng Bureau of Immigration (BI) sa kanilang pinagmulang bansa ang 75 Chinese nationals na naaresto walong buwan na ang nakalilipas matapos masangkot sa illegal online gaming operation sa bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nilisan ng mga Chinese national ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon, sakay ng isang chartered plane patungong Zhengzhou, China.
Inayos rin aniya ng Chinese embassy ang pagpapauwi sa mga nasabing dayuhan na nakulong matapos maaresto noong Disyembre 2019, subalit naantala ang deportation dahil sa COVID-19 pandemic.
“They were expelled pursuant to a summary deportation order issued against them by our Board of Commissioners for violating our immigration laws and being undesirable aliens,” wika ng BI Chief.
Dagdag pa nito ang mga deportees ay uusigin sa China kung saan kakasuhan sila ng economic crimes.
Ilalagay din sila sa immigration blacklist upang hindi na muling makabalik ng Pilipinas.
Ayon kay BI Intelligence Chief Fortinato Manahan Jr., ang mga napauwi ay kabilang sa 300 Chinese nationals na naaresto noong Disyembre 2019 ng pinagsanib na puwersa ng BI Intelligence Division at Quezon City Police District sa kanilang inuupahang opisina sa loob ng isang gusali sa North EDSA sa Bago Bantay, Quezon City.
Nilabag ng mga Chinese national ang mga kondisyones ng kanilang pananatili bilang nagtatrabahong turista nang walang kaukulang permit at pasukin ang hindi awtorisadong online gaming operations.
“Chinese authorities said that they were engaged in cyber crime activities and investment scams that victimized many of their compatriots in China,” dagdag ni Manahan.
Napag-alaman din na ang mga napauwi ay mga hindi dokumentong aliens sapagkat kinansela ng Chinese government ang kanilang mga pasaporte.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA