November 19, 2024

7 puganteng Chinese, kabilang ang illegal miners sinipa palabas ng bansa

IPINADEPORT ng Bureau of Immigration ang pitong Chinese nationals na itinuturing na pugante at nagtatarabaho sa bansa nang walang kaukulang permit at visa.

Sa ipinadalang ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sinabi ni BI Port Operations Chief Grifton Medina, ang mga nasabing dayuhan ay pinalayas noong Huwebes at Biyernes sakay ng magkahiwalay na flight ng China Southern Airlines papuntang Xiamen na umalis mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ani ni Medina, ang apat na dayuhan na umalis noong Huwebes ay kinilalang si Yong, Li Jia, Ye Bin at Wang Xuening, ay mga puganteng wanted dahil sa economic crimes sa China habang sina Xu Xiansheng, Gong Yaan at Xie Yuhong ay pinalayas din kinabukasan dahil sa pagkakasanggkot sa hindi awtorisadong black sand mining operations dito sa ating bansa.

“They were all sent home pursuant to deportation orders issued by our Board of Commissioners which also directed that they be placed in our blacklist,” ani ni Medina na siyang naghatid sa mga dayuhan sa NAIA  galing sa kanilang piitan sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Inilantad ni BI Intelligence Chief Fortunato Manahan Jr, na ang pitong dayuhan ay naaresto noong Setyembre ng nakaraang taon sa isinagawang operasyon ng operatiba ng BI sa loob at labas ng Metro Manila.

Tatlo sa puganteng ipinadeport ay napaulat na kabilang sa 270 illegal foreign workers na naaresto sa isinagawang raid ng mga tauhan ng BI sa kanilang pinapasukang trabaho sa Ortigas Center sa Pasig City na palihim na nag-o-operate ng online investment scam racket na karamihan sa mga binibiktima ay mga kababayan nila sa China.

Ang ikaapat na pugante ay kabilang naman sa 304 illegal foreign workers na naaresto sa Puerto Princesa City, Palawan ng pinagsamang puwersa ng mga operatiba ng BI, militar at pulisya dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na online gaming operations, sambit ni Manahan.

Dagdag pa niya na ang tatlo pang nadeport ay naaresto sa Masinloc, Zambales nang mahuli sa akto ng mga ahente ng BI na nagsasagawa ng black sand mining.

Napag-alaman na naunang ipinadeport ng BI ang daan-daang Chinese national na naaresto sa isinagawa nilang pagsalakay sa Pasig at Puerto Princesa.