November 5, 2024

7 empleyado ng munisipyo ng Cainta, positibo sa COVID-19

NAGPOSITIBO sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) gamit ang rapid test ang pitong tauhan ng Cainta Municipal Council at Vice Mayor’s Office sa nasabing bayan noong Martes, ayon kay Mayor Kit Nieto.

Ang mga empleyado ay sumailalim sa swabbed test habang inutos na rin ni Nieto ang disinfection at pansamantalang pagsasara ng buong third floor ng munisipyo.

“Kasama na ring nilinis ang buong munisipyo. Binawalan na ring pumasok ang mga nakahalubilo ng mga ito sa loob ng dalawang linggo,”  ayon kay Nieto.

Sinimulan na rin ng municipal health office ang contract tracing para sa rapid testing.

Sa kabila nito ay patuloy pa ring magtatrabaho ang naturang alkalde sa kanyang opisina.

 “I can’t stop from working,” saad niya.

Bukas din ang People’s Center para sa rapid testing subalit inaabisuhan ang lahat na ipagpaliban muna ang pagpunta sa municipal hall kung wala namang kinakailangan.

 “Just the same, all protective gears will remain in place as they have always been. Routine health checks will remain operational. Wala pa rin po kaming papapasuking mga seniors at menor de edad sa munisipyo,” ayon kay Nieto.

Noong June 29, nakapagtala ang Cainta ng 54 kaso ng COVID-19, 16 ang namatay at 111 nakarekober.