December 28, 2024

7 drug personalities arestado sa P87K shabu sa Malabon

Sa kulungan ang bagsak ng pitong drug suspects, kabilang ang tatlong babae matapos makuhanan ng higit P87K halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa P. Concepcion Brgy., Tugatog.

Timbog sa operation si Randolph Villacorta alyas “Andong”, 34, (Pusher/Listed), Mary Jane Legaspi alyas “Jeng’, 34 at Airene Ignacio, 32, matapos magsabwatan umano na bintahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur-buyer.

Ani PSSg Jerry Basungit, aabot sa 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P68,000 ang nakumpiska sa mga suspek, kasama ng marked money.

Nauna rito, naaresto din sa buy-bust operation sa Pampano St., Brgy. Longos dakong alas-3:30 ng hapon sina Baby Rose Camilon alyas “Mia”,30, (User/Listed), Crisanto Sy, 51, Carlito Tuazon, 45, at Benjamin Bacolod, 50.

Nasamsam sa kanila ang humigi’t-kumulang 2.89 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P19,652 at P300 buy bust money.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (JUVY LUCERO)