Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang pitong kababaihan na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking makaraang mabisto na patungong Iraq ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na pitong pasahero ay nagpanggap na turista ay naharang sa NAIA Terminal 1 bago makasakay sa Scoot Airways flight patungong Singapore.
Nakalagay sa itinerary ng pitong pasahero na pagdating sa Singapore ay sasakay sila sa connecting flights patungong Dubai o Qatar hanggang makarating sa huling destinasyon sa Iraq.
Ayon kay Tansingco, ang mga pasahero, pawang mga babae, ay umamin sa pagtatanong ng immigration officer na ang kanilang huling destinasyon ay sa Erbil, Iraq kung saan sila ay kinuha upang magtrabaho bilang mga janitress na may buwanang sahod na US$1,000.
Nilinaw ni Tansingco na matagal ng ipinagbabawal ng gobyerno ang deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Iraq dahil sa karahasan.
Inilipat na sa kustodiya ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang pitong kababaihan para isalang sa karagdagang imbestigasyon at masampahan ng kaso ang kanilang mga rekruter.
More Stories
P761K droga, nasamsam sa Caloocan buy bust, 3 tiklo
Leader ng “Melor Robbery Gang” na wanted sa Valenzuela, timbog!
VP Sara tinatakasan P612.5-M confidential fund