September 25, 2024

7-ANYOS SA NAVOTAS, TINUKLAW NG AHAS UTAS

TODAS ang isang 7-anyos na batang lalaki matapos tuklawin umano ng ahas sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City, Martes ng umaga.

Ayon sa ina ng biktimang si alyas “James” na si alyas “Czarina”, unang namataan niya ang isang ahas na gumagapang sa pintuan ng kanilang bahay sa Barangay Bagong Silang.

Agad ginising ng ina ang kanyang anak at makalipas lamang ang ilang minuto ay nagsimula na umanong dumaing ng sobrang pananakit ng tiyan, pagsusuka at matinding pagkauhaw ang biktima.

Nang makita ng kanyang ina na nagdedeliryo at namumutla na ang bata, sinabi niya sa kanyang asawa na itakbo na nila sa ospital ang anak subalit, idineklarang patay na ito nang idating sa pagamutan.

Nakalagay sa death certificate na nilagdaan ng attending physician na dehydration at stomach pain ang ikinasawi ng bata subalit napansin ng kanyang ina ang sugat sa kamay ng bata na posibleng tuklaw ng ahas.

Ayon naman sa Purok Leader ng Brgy. Bagong Silang, bagama’t bihira silang makatanggap ng pag-atake ng ahas sa kanilang lugar, paiigtingin nila ang pagbabantay upang hindi na maulit pa ang pagkasawi ng bata na umano’y bunga ng tuklaw ng ahas. (JUVY LUCERO)