December 21, 2024

649 MANGINGISDANG NAVOTEÑO NAKATANGGAP NG MGA LAMBAT

FILE PHOTO: Namigay si Navotas City Mayor John Rey Tiangco ng libreng lambat sa mga kababayan nating mangingisda noong Hunyo 2021. (Kuha ni Juvy Lucero)


NAMAHAGI ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng iba’t ibang lambat sa mga rehistradong may-ari ng bangka sa pamamagitan ng Handog Lambat Program nito.

Nasa 649 na maliliit na mangingisdang Navoteño ang nakatanggap ng 200-meter mesh na lambat sa walong magkaka-ibang laki na maaari nilang gamitin sa paghuhuli ng iba’t ibang uri ng isda, hipon, at alimango.

“It has always been our priority to provide our fisherfolk with opportunities to earn a sustainable livelihood. Navoteños are seasoned at fishing. We just need to supply them with necessary gears and equipment to ensure they can continuously earn enough and support their families,” ani Mayor John Rey Tiangco.

Bukod sa mga lambat sa pangingisda, binibigyan din ng Navotas ang mga marginal fisherfolks ng kanilang sariling mga bangkang pangisda sa pamamagitan ng NavoBangkabuhayan Program.

Noong nakaraang linggo, 56 na rehistradong mangingisdang Navoteño ang nakatanggap ng bagong 30-footer fiberglass NavoBangka at mga gamit sa pangingisda sa tulong ng opisina ni Sen. Imee Marcos.