December 23, 2024

6 tulak isinelda sa higit P.2M droga sa Navotas

SWAK sa kulungan ang anim na hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation kontra kina alyas “Rendol”, 33, at alyas “Ranie”, 57, matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illega drug activities ng mga ito.

Dakong alas-12:47 ng hating gabi nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU ang mga suspek matapos umanong bintahan ng shabu ang isa nilang kasama na nagpanggap na buyer sa M Naval St., Brgy. San Roque.

Ayon kay Capt. Luis Rufo Jr na nanguna sa operation, nakuha nila sa mga suspek ang nasa 10.27 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P69,836.00 at buy bust money.

Alas-2:56 ng madaling araw nang matimbog naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa M. Naval Street Barangay Bangkulasi sina alyas “Memel”, 24, fisherman at alyas “Hector”, 30, construction worker. Nasamsam sa kanila ang aabot 11.13 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P75,684.00 at buy bust money.

Sa Badeo 4 Street, Brgy. San Roque, nadakip ng isa pang team ng SDEU sa buy bust operation din dakong alas-12:29 ng madaling araw sina alyas “Cris”, 52, at alyas ‘Ar-ar”, 32, kapwa ng lungsod. Nakumpiska sa kanila humigi’t kumulang 10.16 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P69,088 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002