April 17, 2025

6 SENATORIAL BETS NA NAGKABIT NG POSTER SA MGA PUNO, PINAGPAPALIWANAG NG COMELEC

Naglabas ang Commission on Elections ng show-cause order laban sa anim na Senate candidates dahil sa paglabag sa election laws sa campaign posters.

Ilang sa mga materyales na ito ay illegal na inilagay o hindi eco-friendly, na ikinabit sa mga puno – na nagdulot ng pagkadismaya sa publiko.

Nagbabala si Environmental advocate Ronald Posadas na ang pagkakabit ng mga poster sa mga puno ay maaring magdulot ng pagkabulok.

“Yung pako, hindi natin nakikita yung dala nyang amag o bakterya. Kapag pinakuan mo yan, doon nagsisimula yung pagkabulok,” paliwanag niya.

“Hindi ba meron tayong environmentally sustainable election? Eh may buhay po yung puno. Di ba kahit nga kayo, pakuan nga kayo, kahit kuko lang, masakit eh. Eh puno rin naman. Ganoon din yan,” ayon naman kay Comelec Chairman George Garcia.

Pinaalalahanan ni Garcia ang mga kandidato na maari lamang maglagay ng mga poster sa designated areas at hindi rin pupuwede sa public buildings o eskwelahan.

Pinapayuhan ang lahat ng senatorial candidates na tanggalin ang kanilang illegal materials, habang ang DENR ang bahalang humawak sa anumang environmental law violations.

Hinimok din ng Comelec ang lahat ng kandidato na irespeto ang regulasyon ng eleksyon at iwasan nilang makasira ng mga puno para lang sa kanilang pangangampanya.