January 20, 2025

6 PINOY NA BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING NAHARANG SA NAIA (Nagpanggap na pilgrims)

Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang anim na Filipino na nagpanggap na pilgrims at patungo sana sa bansang Jordan.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, pasakay na sana sa Philippine Airlines flight patungo sa Amman, Jordan nang pigilan sila ng mga miyembro ng BI immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) sa NAIA terminal 1.

 “They all claimed to be traveling together for a pilgrimage but they were unaware of their travel itinerary.  They are also not known to each other,” ayon kay Tansingco.

Sa ulat ng BI, dalawa sa mga naturang pasahero ay dati nang pinigil na sumakay sa isang eroplanong patungo rin sa nabanggit na lugar nitong Setyembre dahil sa hindi magkakatugma nilang pahayag.

“Our I-PROBES found that the two passengers were supposed to join a group of 14 ‘pilgrims’ who left the country last September 27. Ten of them never returned, and are now presumably working abroad,” dagdag pa ni Tansingco.

Inamin din ng mga pasahero na isang lalaking pastor ang nag-ayos ng kanilang biyahe at nagbayad daw sila rito ng P75,000 to P150,000 kada isa.

Iniimbestigahan na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at National Bureau of Investigation (NBI) ang naturang modus.