November 5, 2024

6 MIYEMBRO NG ROBERRY-CARNAP GANG TODAS SA ENGKWENTRO SA ANTIPOLO

TUMIMBUWANG ang anim na miyembro ng grupo na sangkot sa holdapan at carnapping matapos makaengkwentro ng kapulisan sa Antipolo City nitong Huwebes ng madaling araw.

Sa isang pahayag, sinabi ni Brig. Gen. Alexander Tagum, Highway Patrol Group (HPG) director, nagsasagawa noon ang mga miyembro ng HPG at mga operatiba ng Rizal Provincial Police Office ng anti-crime operations sa Antipolo City dakong alas-1:30 ng madaling araw nang mamataan nila ang dalawang lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo na ini-eskortan ang isang pribadong sasakyan malapit sa isang gasolinahan sa Sitio Boso-Boso sa Barangay San Jose.

Ayon kay Tagum, Miyerkoles pa lang ng gabi nang i-deploy nila ang mga miyembro ng HPG sa nasabing lugar  matapos makatanggap ng intelligence reports kaugnay sa aktibidades ng carnapping at robbery group.

Lalapitan na sana ng mga police officer ang grupo nang paptukan sila ng mga ito at mabilis na tumakas patungo sa bayan ng Baras na nagresulta sa habulan at palitan ng putok ng baril.

Kaagad namang naglatag ng checkpoint ang ilang pulis sa kahabaan ng Marcos Highway.

Dahil sa presensiya ng pulisya sa daan na pagtatakasan ng mga suspek ay nawalan ng kontrol ang motorsiklo na minamaneho ng isang suspek, resulta para sumemplang ito.

Pero imbes na sumuko, pinaputukan pa rin ng dalawang suspek ang pulisya kaya gumanti ito ng putok.

Nagresulta ang engkwentro sa pagkamatay ng anim suspek.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang mga suspek ay responsable sa series ng mga holdapan at carnapping sa Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila at Rizal.

Nabatid pa sa pulisya, nagsanib ang grupo o criminal organization ng mga suspek sa Pampanga at Rizal para magsagawa ng panghoholdap sa mga establisyemento.