May 30, 2025

6 MENOR DE EDAD NASAGIP SA ONLINE SEXUAL EXPLOITATION SA CAMSUR

BOMBON, CAMARINES SUR — Anim na menor de edad ang nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos salakayin ang bahay ng isang lalaking sangkot sa online sexual exploitation sa Barangay San Isidro nitong Mayo 27.

Ayon sa NBI, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa US Homeland Security Investigations (HSI) Manila na may isang Pilipino umanong nagbebenta ng child sexual abuse and exploitation materials (CSAEM) kapalit ng pera.

Mas nakabibigla pa, ayon sa imbestigasyon, iniaalok din umano ng suspek ang live shows ng mga menor de edad, na siya ring isinangkot sa online content.

Sa bisa nito, agad na ikinasa ng NBI Violence Against Women and Children Division, katuwang ang NBI Naga District Office, ang entrapment operation na humantong sa pagkakadakip ng suspek.

Nasabat sa kanyang pag-aari ang ilang cellphone na agad sinuri ng mga awtoridad. Sa mga larawan, lumitaw na apat sa mga nasagip na bata ay mismong lumabas sa ibinebentang content ng suspek.

Kasalukuyang sinasampahan na ng kaso ang nasabing lalaki sa ilalim ng Section 4(c) ng Republic Act 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, kaugnay ng Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175).

Patuloy ang imbestigasyon habang isinasailalim sa proteksyon at psychosocial intervention ang mga batang biktima.

Mariing panawagan ng NBI sa publiko: “Maging mapagmatyag. I-report agad ang kahalintulad na krimen. Dito, walang ligtas ang mga salbaheng nagpapahirap sa kabataan.”