December 26, 2024

6 ARESTADO SA TUPADA AT CARA Y CRUZ SA MALABON

Arestado ang anim katao matapos maaktuhan ng mga pulis na naglalaro ng illegal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Malabon City.


Sa report nina PSSg Jose Romeo Germinal at PSSg Jeric Tindugan kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong 11:30 ng umaga, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Sub-Station 5 sa pangunguna ni PLT Zoilo Arquillo sa kahabaan ng Flovi 6, Letre, Brgy., Tonsuya.


Dito, napansin ng mga pulis si Rolly Magallanes, 52, at Nherwin Quintero, 32 na nagsasagawa ng illegal na tupada na naging dahilan upang arestuhin ang dalawa at nakumpiska sa kanila ang isang patay na panabong na manok na may tari at P3,100 bet money.


Samanlata, dakong 1:30 ng hapon, nagsasagawa din ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Sub-Station 3 sa pangunguna ni PMAJ Carlos Cosme Jr, sa Sapa St., Brgy. Panghulo nang maaktuhan nila ang isang grupo ng kalalakihan na naglalaro ng cara y cruz.


Gayunman, nang mapansin ng mga ito ang mga pulis ay mabilis silang nagpulasan sa magkakaibang direksyon kaya’t hinabol sila ng mga parak hanggang sa makorner sina Joshua Touquero, 24, Chiristopher  Villagrascia, 33, Harold Villanueva, 33, at Mark Villanueva, 32.
Narekober ng mga pulis ang 3 pirasong peso coins na nagsilbi bilang “pangara” at P520 bet money.