November 24, 2024

6 arestado sa shabu sa Caloocan

Arestado ang anim na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang tatlong security guard matapos makuhanan ng higit sa P.1 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na drug operation ng pulisya sa Caloocan city.

Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-2 kahapon ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo sa Marulas A, Brgy. 36.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Ermar Nalda alyas Jojo, 44, ng Tondo Manila, at Joey Espinada, 40 ng No. 292, Marulas St., Brgy. 36 matapos bentahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 20 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P136,000.00 ang halaga at buy-bust money.

Dakong 9:30 ng gabi naman ng gabi, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Sub-Station 6 sa ilalim ng pangangasiwa ni PMAJ Brian Ramirez nang isang concerned citizen ang lumapit sa kanila at iniulat ang hinggil sa nagaganap umanong transaksiyon ng ilegal droga malapit sa Jasmin St. Brgy. 161.

Nang respondehan, nakita ng mga pulis sina Edward Manglangit, 32, Joel Opiaza, 38, security guard, Noe Domo, 38, security guard, at Anecito Ordeniza, 30, security guard na nagpapalitan umano ng ilegal na droga dahilan upang arestuhin ang mga ito.

Nakuha sa kanila ang apat na plastic sachets na naglalaman ng nasa 1.5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P10,200 ang halaga.

Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.