May 31, 2025

582 VIOLATIONS NAITALA SA UNANG ARAW NG NCAP

MANILA — Umabot sa 582 ang naitalang traffic violations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula alas-6 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon nitong Lunes, Mayo 20, kasunod ng partial lifting ng temporary restraining order (TRO) ng Supreme Court sa No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Ayon sa MMDA, 301 violations ang na-monitor mula 6:00 a.m. hanggang 10:00 a.m., na tumaas sa 437 pagsapit ng 2:00 p.m., at tuluyang lumobo sa 582 bandang 4:00 p.m.

Ipinaliwanag ni MMDA Chairman Romando Artes sa isang press conference na mahalaga ang pagbabalik ng NCAP upang maibalik ang disiplina sa mga motorista.

“Noong 2022 bago ma-TRO ang NCAP, meron lamang pong 114,000 na naitala na violations. Noong 2023, habang hindi naiimplementa ang NCAP, lumobo ang namonitor naming violations — bagama’t hindi ito naisyuhan ng ticket — sa 391,000. Halos apat na ulit po ang itinaas,” ayon kay Artes.

Dagdag pa niya, “Ibig sabihin po nito, nung nalaman ng ating mga kababayan na wala nang ‘big brother’ na nakamasid at walang nakikitang enforcer sa kalsada, malaya silang nagba-violate.”

Tiniyak ni Artes na ang paggamit ng CCTV camera na may artificial intelligence ay hindi magiging arbitraryo, sapagkat lahat ng na-detect ng AI ay mano-manong nire-review upang maiwasan ang maling paglabas ng violation.

Nilinaw rin ng MMDA na walang violation na ipapataw sa mga lugar na walang maayos na traffic signage o road markings.

Kung may naitalang paglabag, ipapaabot ito sa motorista sa pamamagitan ng sulat sa address na nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO).

Dagdag pa ni Artes, inaayos na rin ng MMDA ang sistema para makapagpadala ng notification sa pamamagitan ng text message, katuwang ang mga telco at ang LTO.

“May meeting po kami sa mga darating na araw tungkol sa text notice. Pero kailangang tiyakin na ligtas ito at hindi magamit sa scam. Marami na pong nagpapadala ng ‘May huli ka, i-click mo ang link na ito.’ Yan po ay dapat naming maiwasan,” babala ni Artes.

Balik-operasyon ang NCAP sa gitna ng patuloy na kampanya ng MMDA para sa disiplina sa lansangan — at tila, may mahaba-habang laban pa kontra sa pasaway na motorista.